LUNGSOD NG MAYNILA -- Napauwi ng pamahalaan ang 348 overseas Filipino workers (OFWs) mula Dubai at Abu Dhabi sa United Arab Emirates (UAE), ang ika-apat na pinauwing batch mula nang ideklara ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang travel restriction mula sa pitong bansa, ulat ng labor department nitong Linggo.
Sa ulat kay Labor Secretary Silvestre Bello III, sinabi ng Overseas Workers Welfare Administration at ng Philippine Overseas Labor Office sa Dubai na umalis ng UAE ang mga OFW noong Sabado, Hulyo 10, at dumating ng Maynila ng Linggo ng umaga sakay ng PR 8659 ng Philippine Airlines.
Sinagot ng OWWA ang gastusin para sa chartered flight, ani Bello.
Isinagawa ang pagpapauwi sa pakikipagtulungan ng Philippine Consulate General sa Dubai, na nilalayong maiuwi ang may 2,000 OFW at kanilang pamilya mula sa UAE. Ang unang tatlong batch ng mga umuwing OFW ay pinangasiwaan ng Department of Foreign Affairs.
May apat pang nakatakdang repatriation flight ang DOLE-OWWA kahapon, Hulyo 12 at sa Hulyo 17, 27 at 30.
Sinabi ni Bello na kabilang sa mga umuwi ang 67 buntis na OFW, 30 OFW na may kasong-medikal, anim na OFW na nakatira sa Bahay Kalinga sa Dubai, at dalawang OFW na nakatira sa Bahay Kalinga sa Abu Dhabi.
Ang iba pang mga pasaherong OFW ay iyong nakansela ang kanilang biyahe o overstayer sa UAE.
Isa sa mga pasahero ay dating household service worker na humiling na tumira sa POLO Dubai, matapos makilala ang isang kawani ng OWWA sa airport.
Binili siya ng tiket ng kanyang employer na binubuo ng ilang layover at connecting flight, at iniwanan sa Dubai airport noong Hulyo 5. Ngunit nabigo siyang sumakay ng araw na iyon.
Dahil sa kanyang kasiyahan na makasama sa mga uuwing OFW, nasabi nito na: “Maraming salamat po at makakauwi na rin ako sa aking pamilya.”
Sasailalim sa quarantine ang mga umuwing OFW at ihahatid sila sa kani-kanilang bayan matapos na sila ay mabigyan ng clearance at may negatibong resulta sa Covid-19.
Sasagutin ng OWWA ang kanilang pansamantalang titirhan at pagkain habang naghihintay ng resulta ng kanilang COVID test. Ang ahensiya rin ng DOLE ang mangangasiwa sa kanilang pag-uwi sa kani-kanilang probinsiya.
Pinayagan ng IATF ang pagsasagawa ng special commercial flights upang maiuwi ang mga OFW na nai-stranded sa Middle East at iba pang bansa na sakop ng inbound travel ban ng bansa.
Nagbuo ng Special Working Group na magpapatupad ng protocol para sa special commercial flights, sa pakikipagtulungan ng mga kinauukulang airlines.
Kasama sa miyembro ng Special Working Group ang OWWA, Department of Health, Bureau of Quarantine, Department of Foreign Affairs, Department of Transportation at ang kanilang One-Stop-Shop, Philippine Coast Guard, at ang Department of Tourism. (DOLE)