Bukas po ay nagpatawag ng pagpupulong si Pangulong Rodrigo Duterte kasama ang ilang IATF members, mga economic managers, at health experts para pag-aralan po itong planong maging mas istriktong border patrol para maiwasan po ang pagpasok ng Delta variant dito sa ating bansa.
Dahil sa banta ng pagkalat ng Delta variant cases ng COVID-19 sa bansa, nananawagan ako sa gobyerno na magsagawa ng agarang aksyon upang mapaigting lalo ang mga existing health and safety protocols natin.
May kumpirmasyon na ang DOH na meron ng local transmission ng Delta variant sa Pilipinas. Sinabi ko na ‘yan noon noong ‘local cases’ pa lang na mag-ingat tayo lalo dahil malaki talaga ang possibility ng local transmission.
Now that it is confirmed, the more we should caution our fellow Filipinos. While we continue to balance our health and economic interests, the priority always is to save lives! Mag-ingat po tayo, ‘wag po tayong magkumpiyansa. Kailangan po namin ni Pangulong Duterte ang tulong, kooperasyon at disiplina ng bawat mamamayanang Pilipino.
Ayon sa DOH, tumaas muli ang hospital occupancy rates sa NCR. Ayaw nating bumalik ulit sa lockdown kaya habang maaga pa, agapan na natin agad ang pagkalat ng COVID-19, itong Delta Variant, dahil mas delikado talaga ito. Nakita naman po natin ang nangyayari ngayon sa ibang bansa. Kaya nga po sinarahan muna ang pagpasok mula sa bansang Indonesia, at ngayon lang po, pinasara na po ni Pangulong Duterte ang mula sa bansang Thailand at Malaysia.
Bilang chair ng Senate Committee on Health, nagkausap kami ni Pangulong Duterte at inatasan niya ang mga awtoridad na mas paigtingin pa ang ating border control, hindi lang sa mga major airports and seaports, kundi sa lahat po ng entry points sa bansa, lalo na ang ating backdoor border in southern Philippines.
Patuloy rin ang pagmo-monitor ng sitwasyon sa ibang bansa kaya nag-i-implement tayo ng stricter travel restrictions sa mga galing sa high risk countries tulad ng Indonesia, Malaysia at Thailand.
Dito naman sa atin, dapat mas higpitan ang pagpapatupad ng mga kasalukuyang health and safety protocols, katulad ng tamang pagsusuot ng mask at face shield, palaging paghuhugas ng kamay, pagsunod sa social distancing at hindi paglabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan.
Kailangan ding mas palakasin ang ating testing, contact tracing, and isolation and quarantine capacity, kasama na ang genome sequencing.
Mas bilisan din ang vaccine rollout upang mas maraming mga Pilipino ang mabibigyan ng kaukulang proteksyon gamit ang bakuna. Patuloy naman po ang pagdating ng mga supply sa ating bansa. Sa ngayon, may higit 29 million doses na tayo at inaaasahang madadagdagan pa ito.
Kaya sa mga kababayan ko, kapag oras n’yo nang magpabakuna ayon sa ating vaccination guidelines, pag nasa priority list na po kayo, huwag nang mag-alinlangan pa! Magtiwala po kayo sa bakuna. Huwag po kayong matakot sa bakuna. Ang bakuna po ang tanging susi o solusyon ngayon upang unti-unti tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay, at makamtan natin ang population protection at herd immunity. Proteksyunan natin ang ating sarili at ang ating komunidad para mas makabalik tayo sa normal na pamumuhay kaysa bumalik muli tayo sa mas mahigpit na quarantine measures.
Patuloy ring pinapalakas ng gobyerno ang ating COVID-19 response measures tulad ng pagtataas ng kapasidad ng ating healthcare facilities, pagdadagdag ng mga ICU beds, pamamahagi ng life-saving medicines and equipment at dagdag na pasilidad para sa isolation at COVID-19 care units.
Patuloy tayong maging disiplinado sa pagsunod sa mga patakaran. Tulungan natin ang ating gobyerno at mga medical frontliners. Ang inyong kooperasyon at disiplina ay makakapagsalba ng buhay ng ating kapwa!
Marami ng mga pagsubok tayong dinaanan noon na sumukat sa katatagan ng ating pagiging Pilipino. Ngayon ay muli na namang hinahamon ang ating kakayahan na malampasan ang mga pagsubok na ito. Kaya magbayanihan at magmalasakit tayo sa kapwa nating Pilipino para mas mabilis tayong makabangon bilang isang mas matatag at nagkakaisang bansa!
Senator Christopher Lawrence 'Bong' Go
23 Hulyo 2021