LUNGSOD NG MAYNILA -- Inaanyayahan ng Komisyon sa Wikang Filipino ang lahat na lumahok at magtamo ng kaalaman sa Serye ng Webinar kaugnay ng pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2021. Ang tema ng pagdiriwang sa taóng ito ay “Filipino at Mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.”
Pangungunahan ng KWF ang pagdiriwang alinsunod sa itinakda ng Proklamasyon Blg. 1041, s. 1997, na nagpapahayag ng taunang Buwan ng Wikang Pambansa tuwing 1–31 Agosto.
Tampok sa serye ng webinar ang mga dalubhasa sa wika, panitikan, at kultura. Ang unang serye ay gaganapin sa 2 Agosto na may paksang “Wikang Katutubo: Tanghalan ng Yaman at Kalinangang Katutubo” na ang magiging tagapanayam ay si Prop. Patrocinio V. Villafuerte, isang retiradong propesor at ginawaran ng Dangal ng Panitikan (2020) ng Komisyon sa Wikang Filipino.
Ang ikalawang serye ay nakaiskedyul sa 9 Agosto, na may paksang “Wikang Katutubo: Wika ng Lahi, Wika ng mga Bayani” na tatalakayin ni Dr. Dexter B. Cayanes ng Pamantasang De La Salle-Laguna.
Ang ikatlong serye ay nakatakda sa 16 Agosto na may paksang “Wikang Filipino: Bigkis ng Magkakalayong Pulô” na ang tagapagsalita ay si Prop. Alvin Ringgo C. Reyes, Tagapangulo ng Departamento ng Filipino sa Unibersidad ng Santo Tomas.
Ang ikaapat na serye ay gaganapin sa 25 Agosto na may paksang “Mga Wikang Katutubo sa Pagbuo ng Pambansang Panitikan” na tatalakayin ni Prop. Eros S. Atalia ng Pamantasang De La Salle-Laguna.
Sa pampanid na lektura sa 25 Agosto, tatalakayin ni Dr. Felipe M. De Leon Jr., dating Tagapangulo at Komisyoner para sa mga Sining ng NCCA, ang tema ng Buwan ng Wikang Pambansa na “Filipino at mga Katutubong Wika sa Dekolonisasyon ng Pag-iisip ng mga Pilipino.”
Ang serye ng webinar ay live na mapapanood sa opisyal na Facebook Page ng Komisyon sa Wikang Filipino batay sa iskedyul mula 10:00 nu–12:00 nt.
Ang aktibidad na ito ay bahagi ng mga gawaing pangwika ng ahensiya bílang pagtupad sa tungkulin na magsagawa ng mga programa upang matiyak ang higit pang pagpapaunlad, pagpapayaman, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at iba pang mga wika ng Pilipinas. (KWF)