Nagpapasalamat ako kay Pangulong Rodrigo Duterte sa pagtugon sa ating apela na magbigay ng ayuda sa mga pinakamahihirap na maaapektuhan ng ECQ sa NCR simula Agosto 6 hanggang 20.
Ngayong gabi ay inaprubahan na po niya ang pondo para sa financial assistance na ipapamahagi na nagkakahalaga ng isang libong piso kada kwalipikadong indibidwal sa NCR, na may maximum na apat na libong piso kada household.
Sa pamamagitan ng ayudang ito, matutulungan natin ang mga mahihirap nating kababayan na maitawid ang kanilang pamilya habang apektado ang kanilang kabuhayan dahil sa ECQ, lalo na ang mga daily wage earners at mga "isang kahig, isang tuka". Mahigit 13 milyon ang populasyon sa NCR at 80% nito o mahigit 10.8 milyong indibidwal ang mabibigyan natin ng ayuda ayon sa DBM, NEDA, at iba pang mga ahensya.
Dahil direktang ida-download ang mga pondo sa mga LGUs sa NCR, ang apela ko naman sa mga lokal na pamunuan ay siguraduhing maibibigay kaagad ang ayuda sa mga tamang benepisyaryo sa isang maayos, mabilis at ligtas na paraan na walang katiwalian.
Magpapatupad ng ECQ sa NCR upang maagapan ang problema at maiwasan ang lalong pagkalat ng sakit. Kumbaga, nais nating patayin ang sunog bago ito maging "out of control". Pero kasabay nito ay kailangan din nating maagapan ang hirap at maiwasan ang gutom sa ating mga komunidad.
Katulad ng sinabi ko dati, magtiwala po tayo sa gobyerno dahil lahat naman ng hakbang natin, pangunahing isinasaalang-alang ang buhay at kapakanan ng bawat Pilipino.
SEN. CHRISTOPHER "BONG" GO
Pasay City, 3 August 2021