No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Tulong mula sa programang TUPAD, ipinaabot ng DOLE sa mga manggagawa sa Mt. Province

MANILA -- Pinangunahan ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Sabado ang pamamahagi ng higit sa P100 milyon, bilang tulong sa mahigit 5,000 manggagawa mula sa iba’t ibang munisipalidad sa Mountain Province, sa ilalim ng programang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disavantaged/Displaced Workers (TUPAD).

Ang TUPAD ay ang pangunahing programa ng DOLE na nagbibigay ng emergency employment sa mga manggagawa sa impormal na sektor na naapektuhan ng sakuna at kalamidad.

Nagpunta ang mga manggagawang-benepisyaryo mula sa limang bayan ng lalawigan sa Sabangan kung saan ginanap ang seremonya ng pagbibigay ng tulong-pinansiyal na dinaluhan ng mga opisyal ng lalawigan at bayan. Kasama ni Bello ang iba pang opisyal mula sa national at regional office ng kagawaran.

Ang Paracelis, na may 4,857 benepisaryo ay nakatanggap ng P54,998,500; Natonin, na may 318 benepisaryo ay nakatanggap ng P1,800,198; at Barlic, na may 258 benepisaryo ay nakatanggap ng P1,460,538. 

Samantala, tumanggap ang Bontoc ng P492,507 para sa kanilang 87 benepisaryo at Tadian na nakatanggap ng P549,300 para sa kanilang 97 benepisaryo.

Nakapagtala naman ang DOLE ng P46,709,991 sa 4,281 benepisaryo ng TUPAD payout sa bayan ng Sabangan.

Sinabi ni Bello na ang TUPAD ay isang amelioration program para sa mga impormal na manggagawa na naapektuhan ng kasalukuyang nararanasang pandemyang Covid-19.

Pinasalamatan ni Paracelis Mayor Dr. Marcos Ayangwa si Secretary Bello sa tulong na ipinamahagi para sa kanyang mga nasasakupan.

Ayon sa kanya higit sa 4,000 manggagawa sa kanyang munisipalidad ang nawalan ng kabuhayan dahil sa bagyong Rosita na nanalanta sa hilagang bahagi ng Luzon noong Oktubre 2018.

Sinalanta ng bagyo ang taniman ng saging at mais sa Paracelis.

Sinabi rin niya na hindi pa rin nakakabawi ang Paracelis sa pagkasira ng kanilang pananim nang maapektuhan naman ng pandemya ang mga negosyo ng naturang bayan. “Malaking tulong ito para sa amin.”

Ayon naman kay Sabangan Mayor Marcial Lawilao, nagsumite ang mga Mayor ng Mountain Province kay Bello ng TUPAD proposal para matulungan ang kanilang nasasakupan.

Isa sa mga benepisaryo, si Jose Lidaco, ang nagpahayag ng kaniyang pasasalamat sa pagbibigay ng tulong sa kanilang mga magsasakang tulad niya. 

Si Carmen Tabanganay, 81, na isa ring magsasaka, ay nagsabing gagamitin niya ang benepisyong P10,500 para makabili ng mower para sa kanyang palayan.

Gagamitin naman ni Jimbo Fabregas, isang estudyante sa kolehiyo, ang kanyang natanggap bilang pambayad sa kanyang matrikula.

Sinabi ni Mountain Province Gov. Bonifacio Lacwasan Jr., na ang lalawigan, sa tulong ng labor chief, ay nakatanggap ng P101 milyon para sa iba’t ibang programa. (DOLE)

About the Author

Marie Angelie Villapando

Editor

Central Office

Feedback / Comment

Get in touch