CAMP DOWNES, Ormoc City -- Binigyan ng marangal na pagpapalibing ang dalawang teroristang NPA na sina Ambrocio Gortiano Lamadora alias Ihid/Rino at Josue Libres, na nasawi sa engkwentro sa pagitan ng tropa ng 14th Infantry (Avenger) Battalion at teroristang grupo noong Agosto 18.
Sa pagtutulungan ng Philippine Army, Philippine National Police at Municipal Task Forces to End Local Armed Conflict (MTF-ELCAC) ng Bontoc at Sogod ng Southern Leyte, at Mahaplag ng Leyte ay nabigyan ng tulong pinansyal at materyal ang pamilya ng mga nasawi.
Si Libres ay residente ng San Francisco Mabuhay ng Sogod, Southern Leyte na kinilala ng kanyang kapatid na si Juanito Libres ng Brgy. Pancho Villa ng nasabing munisipyo. Siya ay inilibing sa pampublikong libingan ng Brgy. Boac ng nasabing bayan nitong Agosto 21.
Samantala, nang sumunod na araw, inilibing naman si Lamadora sa pampublikong libingan ng Brgy. Maligaya, Mahaplag Leyte. Kasama sa mga naghatid sa kanyang mga labi sa huling hantungan ay ang kanyang maybahay na si Jocelyn C. Lamadora.
Sa panayam kay Juanito Libres, sabi niya, "Ako, uban ang akong mga igsoon, gapasalamat sa sundalo, kapulisan ug lokal nga gobyerno sa Sogod kay gihatagan mi ug hinabang nga kuwarta, pagkaon, lungon ug libre nga lubong sa akong igsoon. Kay kong walay nitabang namo, dili namo kaya nga suportaran kay kalit kini nga hitabo, daghang kaayong salamat sa inyong tanan kay bisan nakasala sa balaod ako igsoon, gitabangan gihapon Ninyo." (Ako, kasama ang aking mga kapatid, nagpapasalat sa sundalo, kapulisan at lokal na pamahalaan ng Sogod na binigyan kami ng tulong pinansyal, pagkain, kabaong at libreng libing ng aming kapatid. Dahil, kung hindi ninyo kami natulungan, hindi namin kayang suportahan itong hindi napapanahong kamatayan ng aming kapatid, muli, maraming salamat sa inyong lahat dahil kahit nagkasala sa gobyerno ang aming kapatid, tinulungan nyo pa din kami.)
Ganun din ang pasasalamat ni Jocelyn sa tulong na naibigay sa kanilang pamilya. Ang pangyayaring ito ay nagpapatunay lamang na walang pagpapahalaga ang teroristang CPP-NPA sa buhay ng kanilang mga miyembro. Mas higit na nananaig sa kanila ang kanilang kabuuang layunin na pabagsakin ang gobyerno sa pamamagitan ng dahas gamit ang mga kababayan natin na kanilang naloko at napagsamantalahan.
"Ikinalulungkot ko ang pangyayring ito, bilang pagbibigay halaga sa buhay ng tao, minarapat kong hikayatin ang mga lokal na pamahalaan at kapulisan na tulungan sila dahil itinuturing ko silang biktima ng panlilinlang ng CPP-NPA-NDF,” pahayag ni Brigadier General Zosimo A. Oliveros.
"Muli, ako’y nanawagan sa mga miyembro ng teroristang CPP-NPA-NDF na sumuko, at tanggapin ang tulong at kalinga ng gobyerno. Napapanahon na pag-isipan ninyo ang ginagawang kapabayaan sa inyo, handa po ang gobyerno na tanggapin kayo bilang Pilipino na may karapatang mabuhay ng payapa na kapiling ang inyong pamilya," ang patapos na salita ni Brigadier General Oliveros. (802Bde, 8ID, PA)