LUNGSOD NG QUEZON -- Nilalayon ng Department of Agriculture (DA) -Mimaropa na pagyamanin sa puno ng cacao ang bayan ng Puerto Galera sa Oriental Mindoro.
Sa pangunguna ng High-Value Crops Development Program (HVCDP), nagkaroon ng pagsasanay ang 33 mga magsasaka sa Puerto Galera ukol sa pagtatanim at pag-aalaga ng cacao, nitong Agosto 24-25. Ito ay naisakatuparan sa pakikipagtulungan ng Puerto Galera Municipal Agriculture Office.
Kilala ang cacao bilang pangunahing sangkap sa paggawa ng tsokolate. Ito rin ay pinopoproseso upang maging cocoa butter na ginagamit na pampalambot ng balat. Malaki ang demand ng mga produktong ito sa pandaigdigang merkado. Higit pa rito, maaari rin itanim ang cacao kasama ang mga puno ng niyog na kung saan mayaman ang Pilipinas partikular na ang Puerto Galera. Bukod dito, napakaangkop din ng klima ng bansa para rito. Dahil sa mga potensiyal na ito, tinawag ang cacao na “cash crop” o pananim na maaaring magbunga ng magandang kita para sa mga magsasaka.
Kasama rin sa mga tinalakay sa pagsasanay ay ang Good Agricultural Practices o GAP.
Ang GAP ay isa sa mga pamamaraan na pag-aalaga ng mga taniman na minumungkahi ng DA sa mga magsasaka upang masiguro ang kalinisan at kaligtasan ng mga pananim, ng mga magsasaka, at ng mga konsyumer.
Dahil na rin sa nilalayon ng DA na maging “world class” ang cacao ng Pilipinas, hinihikayat nila ang pagsunod sa GAP upang makapasok ito sa mga pamantayan ng iba’t ibang bansa.
Ayon sa DA-HVCDP MIMAROPA, kasunod ng pagsasanay na ito ay ang pamimigay ng mga pananim para sa mga pumuntang magsasaka na nagpakita ng interes sa proyektong ito.
“Magkakaroon kasi ng project ang HVCDP sa pamimigay ng planting materials ng cacao at isa ang Puerto Galera sa napiling bayan. Sobrang interested ang mga participants,” pagbabahagi ni Kathleen Cepillo ng DA-HVCDP Mimaropa, isa sa mga punong-abala sa nasabing gawain.
Inaasahan ng DA-HVCD MIMAROPA na ito ay pagyayabungin at pagyayamanin ng mga magsasaka upang mapaunlad na rin ang agrikultura ng nasabing bayan bilang karagdagang kabuhayan sa mga mga residente dito. (DA-RFO IVB, RAFIS)