LUNGSOD NG MAYNILA -- Gagawaran ng Komisyon sa Wikang Filipino ng Dangal ng Wika at Kultura 2021 ang Sentro ng Wika at Kultura ng Bukidnon State University dahil sa mataas na antas ng kahusayan at episyenteng pagsasagawa ng mga proyekto ng Komisyon sa Wikang Filipino at sa hindi mapasusubaliang pangunguna at pagtataguyod sa mga gawaing pangwika at pangkultura, gayundin sa buong suporta ng pamunuan ng unibersidad at ng komunidad na kinabibilangan nitó. Naisakatuparan ang mga proyekto túngo sa ibayong pag-unlad at pagsulong ng wikang Filipino sa mithiing pangwikang naaayon sa gawaing pang-unibersidad at sa mandato ng KWF. Ang SWK sa unibersidad na ito ay pinamumunuan ni Dr. Rodello D. Pepito at sinusuportahan ng pangulo ng unibersidad na si Dr. Oscar B. Cabañelez.
Gagawaran din ng KWF ng Selyo ng Kahusayang sa Wika at Kultura 2021 ang Sentro ng Wika at Kultura ng Sorsogon State College at Sentro ng Wika at Kultura ng Western Mindanao State University dahil sa mahusay at episyenteng pagsasagawa ng mga proyekto ng Komisyon sa Wikang Filipino at sa hindi mapasusubaliang pangunguna at taguyod sa mga gawaing pangwika at pangkultura túngo sa ibayong pag-unlad at pagsulong ng wikang Filipino.
Ang SWK Sorsogon State College ay pinamumunuan ni Dr. Felisa D. Marbella sa suporta ng pangulo ng unibersidad na si Dr. Helen R. Lara at SWK Western Mindanao State University na pinangangasiwaan ni Dr. Aubrey F. Reyes sa suporta ng pangulo ng unibersidad na si Dr. Ma. Carla A. Ochotorena.
Igagawad ang parangal sa 9 Nobyembre 2021 sa KWF Araw ng Parangal na idaraos sa Legaspi Ballroom, Makati Diamond, Residences, Lungsod Makati. (KWF)