Habang lumuluwag ang mga patakaran dahil sa ating patuloy na pakikipag-bayanihan at mga epektibong hakbang na ating ginagawa laban sa pandemya, patuloy naman akong umaapela sa lahat na huwag magkumpyansa. Delikado pa rin ang panahon habang nandiyan pa ang banta ng COVID-19.
Maingat nating binabalanse ang pagbangon ng ekonomiya at ang proteksyon sa kalusugan ng lahat. Kaya habang unti-unti nating ibinabalik sa normal ang ating pamumuhay, huwag nating isawalang-bahala ang mga sakripisyong naipundar natin nitong nakaraang taon para marating ang puntong ito.
Ngayong ibinaba na ang alert levels sa maraming lugar lalo na sa Metro Manila, sikapin nating mapanatiling mababa ang bilang ng nagkakasakit sa pamamagitan ng patuloy na pagsunod sa mga patakaran at pagbabakuna.
Tandaan natin na hindi porket pwede nang lumabas at gumala ay hindi na tayo mag-iingat. Ang pagiging responsableng mamamayan at pagpapakita ng malasakit sa ating mga frontliners ang pinakamabisang ambag ng bawat isa sa atin tungo sa muling pagbangon ng ating bansa.
Bilang inyong lingkod at Chair ng Senate Committee on Health — uulitin ko: magsuot ng mask, social distancing, maghugas ng kamay, iwasan ang paglabas ng bahay kung hindi naman kailangan, at higit sa lahat, hikayatin natin ang ating kapwa na magpabakuna upang tuluyang malampasan ang pandemya!
Ang disiplina at kooperasyon ng lahat ang kailangan para tuluy-tuloy ang ating pagpupunyagi sa labang ito.
I am confident that through compassionate service, shared responsibility and cooperation, we will see brighter days ahead.
Salamat po.
SEN. CHRISTOPHER "BONG" GO
Pasay City, 7 November 2021