Ayon kay Kashmir Mohammad, Joint Task Forces on Camps Transformation (JTFCT) MILF focal person ng Camp Badre, bagamat kanilang prayoridad na mabakunahan ang mga miyembro ng MILF-BIAF, ay bukas din umano ang vaccination drive para sa mga iba pang miyembro ng komunidad.
Sa katunayan, ay kasama ang mga katutubong Teduray na nabakunahan sa araw na iyon.
“Sa mga kasamahan namin sa BIAF at mga komunidad, kailangan magpabakuna na tayo, wag tayo matakot dahil ito ay para sa atin para sa karamihan,” panawagan ni Mohammad.
Para naman kay Kaharudin Guiamad Sipe, miyembro ng MILF-BIAF na nakatakdang i-dekomisyon ngayong ikatlong yugto ng decommissioning, tiwala siya na ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 ay makakabuti para sa kanya at sa kanyang komunidad.
“Dahil sa pagtitiwala namin, dahil wala kaming alam dyan (sa Siyensiya) pero alam namin na hindi nila gagawin ito kung hindi makakabuti. Sa Allah tayo nagtitiwala na hindi magkakaroon ng bakuna kung hindi makakabuti,” pahayag niya.
Ayon sa RHU DOS, sa kanilang pagbabalik sa komunidad para ibigay ang second dose ng bakuna, ay handa din silang magbigay ng first dose para sa iba pang miyembro ng pamilya ng MILF BIAF combatants.
Nauna nang sinabi ni MOH BARMM Minister Dr. Bashary Latiph na handa ang MOH na magbakuna laban sa COVID-19 sa mga miyembro ng MILF-BIAF bilang proteksyon sa kanilang sarili at mga pamilya. (OPAPP)