LUNGSOD NG MAYNILA -- Para sa hulíng libreng onlayn talakayan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ngayon 2021, ipababása ang “Otra Declaración Desperada/Isa Pang Pangahas na Pahayag” ng makatang Ilokana na si Leona Florentino.
Tinatawag ang proyekto na Onlayn Talakayan sa mga Babasahín sa Kulturang Filipino at serye ito ng mga libreng sesyon sa pagbása at diskusyon. Layon nitó na magpasigla ng kultura ng pagbabasá at pagbabahagi ng kaalaman sa madla.
Sa mga nagdaang sesyon, pinag-usapan sa talakayan ang mga akda nina Emilio Jacinto, Antonio Luna, Apolinario Mabini, at Andres Bonifacio.
Kinakailangan lámang magpatalâ ang mga kalahok sa https://forms.gle/iqTWwogZGuVFdjjN9.
Pipiliin ng KWF ang 30 kalahok para sa nasabing talakayan.
Ipababása sa mga kalahok ang nasabing teksto at pagkakalooban ng gabay ng video na magpapaunlad ng kanilang danas sa pagbása. Matapos nitó ay lalahok sila sa isasagawang talakayan na gagabayan ng mga kawani ng KWF.
Tatanggap ang mga makatatapos ng sesyon ng katibayan ng paglahok.
Itinuturing na isang haligi sa hanay ng mga makatang Pilipina si Florentino (1849–1884). Sumulat siya ng mga tula sa wikang Ilokano at Español sa panahong hindi pa gaanong naililimbag ang kababaihan.
Nailathala ang kaniyang mga tula sa Francia, Estados Unidos, at España.
Para sa karagdagang detalye, maaaring magpadala ng email sa rrcagalingan@kwf.gov.ph, o bumisita sa kwf.gov.ph. (KWF)