LUNGSOD NG QUEZON -- Muling pinaaalalahan ang publiko na maghanda sa epekto ng binabantayang tropical depression sa labas ng bansa na inaasahang papasok ng Philippine Area of Responsibility bukas nang gabi at papangalanang "Odette."
Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), inaasahang magla-landfall ang bagyong Odette sa bahagi ng Eastern Visayas o Caraga sa Huwebes nang hapon o gabi.
Posibleng maging severe tropical storm ang bagyong Odette na maaaring umabot sa typhoon category.
Magdadala ito nang malalakas na hangin sa Visayas, malaking bahagi ng Mindanao, at ilang probinsya sa Southern Luzon na makararanas din ng mga pag-ulan.
Maaaring umabot hanggang signal no. 3 ang Tropical Cyclone Wind Signal na itataas sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Dagdag ng PAGASA, posibleng itaas ang signal no. 1 sa bahagi ng Eastern Visayas at Mindanao sa Martes nang hapon o gabi.
Pinag-iingat ang mga apektadong lugar sa banta ng pagbaha, pagguho ng lupa, at mga panganib nang malakas na hangin dulot ng bagyo.
Inaabisuhan din ang mga mangingisda at sasakyang pandagat na huwag nang pumalaot dahil sa mapanganib na kondisyon ng dagat.
Tuloy-tuloy naman ang pag-antabay ng NDRRMC at Regional DRRMCs sa sitwasyon kaugnay ng bagyong Odette.
Sa isinagawang pagpupulong ngayong araw, tinalakay ang iba't ibang paghahanda sa mga apektadong lugar upang masiguro ang kaligtasan ng mga residente at agarang mga aksyon sa epekto ng bagyo.
Patuloy na pag-iingat, pag-antabay sa ulat panahon at pagsunod sa mga abiso ng awtoridad ang paalala sa publiko. (NDRRMC)