LUNGSOD NG MAYNILA -- Ito ay timpalak at parangal para sa mga ahensiya at lokal na yunit ng pamahalaan o LGU na sumunod sa implementasyon ng Kautusang Tagapagpaganap Blg. 335 o EO 335 at nagpamalas ng kahusayan sa paggamit ng Filipino bilang wika ng serbisyo publiko.
Sa taóng 2022, pagtutuonan ng timpalak ang paggamit ng Filipino, ngunit hindi limitado, sa mga social media platform ng mga ahensiya/lokal na yunit ng pamahalaan sa panahon ng pandemya.
TUNTUNIN
1. Bukás ang timpalak sa lahat ng kagawaran, kawanihan, tanggapan, ahensiya, instrumentaliti, at lokal na yunit ng pamahalaan o LGU.
2. Magpadala ng liham na nagsasaad ng intensiyong lumahok sa timpalak sa o bago ang 8 Abril 2022 sa:
email - kwf.slak2021 @gmail.com.
Subject: [Ahensiya_KWFSelyo2022]
Ang lahat ng mga pruweba o patunay ay tatanggapin hanggang 13 Mayo 2022 na ilalagak sa link na ipapadala ng KWF.
3. Ang mga pruweba ng nagawa (proof of accomplishments) ay maaaring isumite sa pamamagitan ng mga uploaded na dokumento, video, at/o larawan na nakasaad sa pamantayan.
4. Makatatanggap ng plake ng pagkilala ang mapipipiling ahensiya o lokal na yunit ng pamahalaan.
5. Ang pasiya ng inampalan ay pinal at hindi na mababago.
6. Para sa mga tanong o karagdagang detalye, maaaring tumawag sa Sangay ng Literatura at Araling Kultural at hanapin sina Dr. Miriam P. Cabila (09669052938) at Gng. Pinky Jane S. Tenmatay (09206512590), o mag-email sa mpcabila@kwf.gov.ph o pjstenmatay@kwf.gov.ph
PAMANTAYAN
Antas 1:
1. Nakapagdaos na ng Seminar/Webinar sa Korespondensiya Opisyal ng KWF. (Banggitin ang petsa at taon)
2. May nabuong Lupon sa Wikang Filipino (LWF) at plano ng mga gawain. (Ilakip ang Atas o Memorandum na pinagtibay ng Puno ng Ahensiya/LGU)
3. Nása Filipino ang sumusunod:
a. Gabay sa Mamamayan (Citizens Charter) na ipapaskil.
b. Misyon at Bisyon
c. ulong sulat o letterhead
4. May mga dokumentong nása Filipino tulad ng sumusunod:
a. mga prosesong nakakaratula na maggagabay sa mga kliyente, online man o limbag.
b. mga pormularyo para sa mga kliyente
c. mga korespondensiya, katulad ng liham, memorandum, at iba pa na inihanda mula 2019–2022.
d. mga pabatid, madalas itanong (FAQ), poster, brochure, at mga katulad na materyales, online man o limbag.
5. Ginagamit ang Filipino sa mga social media account ng institusyon.
Antas 2
1. Nagawa ang lahat ng nása pamantayan sa unang antas.
2. May mga pormularyo para sa mga kawani na nakasulat sa Filipino.
3. Pinalawig ang pagsasagawa ng Seminar/Webinar sa Korespondensiya Opisyal at iba pang pagsasanay hinggil sa paksang pangwika.
4. Ginagamit ang ulong sulat o letterhead sa kanilang tanggapan.
5. Nakapaskil ang Filipinong Misyon at Bisyon at Gabay ng mga Mamamayan sa lahat ng mandatory post.
6. May ulat ng mga nagawa batay sa plano ng mga gawain sa paggamit ng wikang Filipino.
7. Maging katuwang sa pagpapabatid ng mga gawaing pangwika ng KWF..
Antas 3
1. Nagawa ang lahat ng nása pamantayan sa una at ikalawang antas.
2. May mga press release na nása Filipino na lumabas noong 2019–2022, online man o limbag.
3. Pinalawig ang pagsasagawa ng Seminar/Webinar sa Korespondensiya Opisyal at iba pang paksang pangwika (banggitin ang petsa at taon)
4. Naisasagawa ang mga gawaing nakasad sa plano ng mga gawaing pangwika ng tanggapan.
5. May mekanismong pantanggapan hinggil sa pagsasa-Filipino o pagsasalin sa Filipino ng mga komunikasyon, korespondensiya opisyal, at mga dokumento ng opisina.
Antas 4
1. Nagawa ang lahat ng mga nása pamantayan sa una hanggang ikatlong antas.
2. Pagsasa-Filipino ng Selyo at Logo ng ahensiya
3. May mga gawain, proyekto at dokumento na maaaring saliksik, pagsasalin, at publikasyon sa Filipino at iba pang mga wika ng Pilipinas na hindi nabanggit sa Antas 1 hanggang 3.
4. May pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensiya o LGU para sa "mentoring" at iba pang gawaing mga pangwika.
Ang LWF ay aktibong nakikilahok sa mga gawaing pangwika sa loob at labas ng ahensiya.
5. Nása Filipino ang pagpapalabas ng islogan/motto na may kaugnayan sa self-governance/service banner ng ahensiya.
Ilang Talâ:
Matapos makamit ang Antas 1 hanggang Antas 4, ipagkakaloob ang KWF Dangal ng Selyo sa Serbisyo Publiko sa karapat-dapat na ahensiya o LGU.
Gabay sa Pagpapása ng Pruweba:
1. Tipunin ang lahat ng nagawa ng ahensiya o pamahalaang lokal ayon sa pagkakasunod-sunod na talâ sa tuntunin ng timpalak.
2. Ilagay sa hiwa-hiwalay na folder ang natipong dokumento, video, o retrato na isusumite sa link ng google drive na ito ______ . Hanapin ang may pamagat na Mga Pruweba_Selyo 2022_Ahensiya at LGU’s.
Ito ang format ng gagamiting pangalan ng folder (para sa LGU/Ahensiya)
2022 Selyo _Pruweba_(Pangalan ng Ahensiya/LGU)
Para sa nilalaman: (tig-iisang folder )
2022_Selyo_LGU/Ahensiya_ Dokumento_Mga Korespondensiya
Opisyal (Liham, Memorandum, Endoso)
2022_Selyo_LGU/Ahensiya Retrato
2022_Selyo_LGU/Ahensiya Videos
3. Para sa video, ito ang mga kailangang specification: HD1080 MP4 format.
Para sa retrato, ito ang mga kailangang specification: 1,000 X 1,000 pixels.
4. Maaaring gamitin ng KWF ang mga isinumiteng retrato at video para sa ihahandang video sa mga gagawaran ng KWF Selyo ng Kahusayan sa Serbisyo Publiko 2022 .
5. Mahalagang naisumite na sa KWF ang opisyal na liham ng pagsali bago tanggapin ang mga pruweba.
Ilang pang dapat tandaan:
1. Mag-aabiso ang KWF kung kinakailangan ang random visit o pisikal na pagbisita para sa paglilinaw tungkol sa mga naisumiteng pruweba ng nagawa batay sa naihanda at naipasa ng ahensiya o LGU.
2. Para sa video maaaring gawing tulad ng virtual tour ang pagpapakita ng mga pruweba sa patuloy at kasalukuyang paggamit ng Filipino sa inyong tanggapan at paglilingkod na hindi limitado sa panahon ng pandemya.
3. Kung may iba pang nais na idagdag para ipakita ang lubusang pagpapatupad ng EO 335 ng inyong tanggapan na hindi limitado sa panahon ng pandemya ay malugod na tatanggapin ng KWF. (KWF)