No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

NDRRMC, nagbabala sa publiko na mag-ingat sa epekto ng dalawang sama ng panahon

QUEZON CITY -- Pinaalalahanan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang publiko na magsagawa ng mga paghahanda at ibayong pag-iingat laban sa mga pagbaha at landslide na posibleng idulot ng malalakas na pag-ulan bunsod ng dalawang binabantayang sama ng panahon sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang isang Low Pressure Area sa loob ng PAR sa layong 185 kilometro silangan hilagang silangan ng Surigao City habang namataan naman sa layong 2,215 km sa silangan ng Mindanao ang tropical storm sa labas ng PAR, kaninang alas-4 nang hapon.

Inaasahang makararanas ang Caraga, Eastern Visayas at southern portion ng Bicol region ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan habang maulap na panahon na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms naman sa natitirang bahagi ng Visayas at Mindanao, bukas hanggang Martes ng umaga, ayon sa PAGASA.

Sa pagpupulong na isinagawa ng NDRRMC ngayong araw, kasama ang iba't ibang ahensya ng pamahalaan, at regional DRRMCs, pinag-usapan ang mga paghahanda sa mga apektadong lugar. Pinaalala na rin sa mga regional DRRMCs ang mga karampatang paghahanda at mga aksyon kabilang ang pagsasagawa ng evacuation, pag-preposition ng family food packs, pagpapadala ng abiso sa apektadong lugar, at iba pa.

Pinag-iingat ang mga residente na nakatira sa mga mababang lugar, tabi ng ilog at mga kabundukan sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng mga pag-ulan. Makipag-ugnayan at sundin ang mga awtoridad at palaging subaybayan ang mga abiso at balita tungkol sa panahon at mga babala. (NDRRMC)

About the Author

Kate Shiene Austria

Information Officer III

Information Officer III under the Creative and Production Services Division of the Philippine Information Agency. 

Feedback / Comment

Get in touch