LUNGSOD NG MAYNILA -- Itinanghal na KWF Makata ng Taon 2022 si Paterno “Pat” Baloloy Jr. pára sa kaniyang tulang “Hindi Parisukat Ang Hugis ng Gubat.” Makatatanggap siyá ng P30,000, tropeo, at medalya.
Nagwagi din si Mark Anthony Sy Angeles ng ikalawang gantimpala pára sa kaniyang "Buntot Kang Gumuguhit sa Lawas na Dalubtalain." Makatatanggap siyá ng P20,000.00 at plake.
Hinirang naman si Keft Sina-On Sobredo sa ikatlong gantimpala pára sa kaniyang tulang "Mga Pira-piraso ng Dagat." Makatatanggap siyá ng P15,000.00 at plake.
Si Paterno “Pat” Baloloy Jr., ay nanalo ng unang gatimpala pára sa koleksiyon niyang mga tulang pambatà na Halik ng Itik at Iba Pang Tulang Pambata sa kauna-unahang Gender Awards na itinanghal ng Philippine Normal University, University Center for Gender and Development.
Siyá rin ay awtor ng librong Agam-agam ng Langgam, akda hinggil sa mga tulang pambatà. Napasáma ang kaniyang maikling pananaliksik na Ang “Silip o Pasilip” ng Distrito Supot: Isang Maikling Pananaliksik sa Naka-ugaliang Pagdakila sa mga Bata at Nawaglit na Distrito sa Bayan ng Calauag,” sa Reading the Regions 2: A National Arts Month Celebration 2021 ng NCCA National Committee for Literary Arts (NCLA). Siyá rin ay naging 2018 writing fellow ng 18th IYAS National Writers’ Workshop ng De La Salle University, Manila at ng 11th Palihang Rogelio Sicat.
Nagtamo siyá ang unang gantimpala sa Palanca noong 2018 sa kaniyang koleksiyon ng mga tulang pambatà na may pamagat na “Paumanhin ng Kuting” at ikatlong gantimpala naman noong 2017 sa parehong kategorya. Isa rin siyáng writing fellow ng 14th Ateneo National Writers’ Workshop ng Ateneo de Manila University noong 2016. Nagtapos siyá ng kursong MFA in Creative Writing sa De La Salle University, Manila noong 2020. Sa kasalukuyan, siyá ay kumuha ng Indigenous Studies Program sa UP Baguio pára sa kaniyang PhD. Siyá rin ay guro sa Senior High School ng Calauag National High School sa Calauag, Quezon.
Ang Talaang Ginto: Makata ng Taón ay isang patimpalak sa pagsúlat ng tulâ na itinaguyod ng KWF na naglalayong pasiglahín at pataasín ang urì ng panulaang Filipino sa pamamagitan ng pagkilála sa mga batikan at baguhang talino at tinig sa sining ng tulâ. (KWF)