LUNGSOD NG MAYNILA -- Ilulunsad ang mga bagong aklat ng KWF Publikasyon sa 29 Abril 2022 sa Bulwagang Romualdez, Komisyon sa Wikang Filipino, 1610 Kalye J.P. Laurel, Malacañang Palace Complex, Lungsod Maynila.
Kabílang sa mga bagong aklat na ilulunsad ang Discursos y articulos varios, Stereologues, May Hadlang ang Umaga, Teatro Politikal Dos, Mas Masaya sa Entablado: Ang Siste sa Piling Dula ni Piux Kabahar, Sinsil Boys: 13 Maikling Kuwento, KALATAS: Mga Kuwentong Bayan at Kuwentong Buhay, Cubao Ilalim: Ikalawang Aklat, Jonas, at Tula Walang Wakas ang Aking Pag-ibig.
Ang KWF Publikasyon ay isang proyekto ng ahensiya na naglalayong lumikha ng aklatan ng mámamayán na magtataguyod at magtatampok sa kakayahan ng wikang Filipino, at mga wikang katutubo bílang wika ng paglikha at saliksik. Pangarap din nitóng magtakda ng mataas na pamantayang pampublikasyon sa pamamagitan ng paglilimbag ng mga akdang de-kalidad, mahahalaga, at yaong may natatanging ambag sa karunungan ng bayan at mundo.
Ang KWF Publikasyon ay isang paraan upang maisakatuparan ang itinatadhana ng Batas Republika Blg. 7104 (Sek. 14, titik a, d, e, at f) na ang Komisyon sa Wikang Filipino ay may tungkuling magbalangkas ng mga patakaran, mga plano, at mga programa upang matiyak ang higit na pagpapaunlad, pagpapayaman, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at ibá pang wika ng Pilipinas; magpanukala ng mga gabay at pamantayan para sa . . . publikasyon, teksbuk, at ibá pang babasahín; at ganyakin at itaguyod, sa pamamagitan ng sistema ng mga insentibo, mga grant at award, ang pagsulat at paglalathala sa Filipino at sa ibá pang mga wika ng Pilipinas, ng mga obrang orihinal, pati na mga teksbuk at materyales na reperensiya sa ibá’t ibáng disiplina. Mangunguna ang Komisyon sa mga transaksiyong humihimok sa pamamagitan ng mga insentibo, magsagawa at lubusang suportahan ang pagsasalin sa Filipino at ibá pang wika ng Pilipinas ng mahahalagang historikong akda at kultural na tradisyon ng mga katutubong pangkat . . . dokumentong opisyal, teksbuk, at mga sangguniang aklat.
Ilan sa mahahalagang akda na kailangang mailimbag ng KWF ay ang mga jornal, saliksik, sangguniang aklat, babasahín, klasikong akdang pampanitikan, tesawro, at diksiyonaryo.
Naniniwala ang KWF na ang mga ito ay mahahalagang sulatín, naratibo, talâ, pagsusuri, at salaysay, walang itinatangi na mga akda sa paglilimbag maging ito ay akda ng iisang awtor o grupo ng mga awtor, iisang editor o grupo ng mga editor, antolohista, tagasalin, compiler, atbp., sa pasubaling ang mga akdang ito ay makatutugon sa pangangailangan ng mga iskolar, mananaliksik, mag-aarál, at guro.
Tinutugunan din nitó ang pagiging ingklusibo ng publikasyon batay sa misyon ng ahensiya sa pamamagitan ng pagbubukás ng higit na espasyo para sa mga akda mulang rehiyon at yaong mga akdang hindi makapasok sa mainstream na palimbagan bagaman may kultural na kahalagahan.
Sa ganitong layunin ay mangunguna ang KWF salig sa misyon nitó at isinasaad ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas—ang pagsasagawa ng mga patakaran at hakbangin túngo sa itinatadhanang kaganapan ng Filipino bílang wikang opisyal ng pámahalaán at wika ng pambansang edukasyon.
Ang Komisyon sa Wikang Filipino ay nása pangangasiwa ng pamunuán ni Tagapangulong Arthur P. Casanova kasáma ang mga Fultaym na Komisyoner Dr. Benjamin M. Mendillo Jr. at Dr. Carmelita C. Abdurahman.
Ang KWF Publikasyon ay pinangangasiwaan ni G. Rolando T. Glory na bahagi ng Sangay ng Edukasyon at Networking sa pamumunò ni G. Jomar I. Cañega. Sa mga nagnanais na bumili ng mga aklat ng KWF ay maaaring makipag-ugnay kay Bb. Che Rosita sa telepono blg. 899-606-70. (KWF)