LUNGSOD NG MAYNILA -- Inaanyayahan ang lahat na magpasa ng mga nominasyon para sa KWF Kampeon ng Wika, isang pagkilala para sa mga indibidwal o pangkat na nag-ambag sa pagpapaunlad at pagtataguyod ng Filipino at mga wika ng Pilipinas.
Ang Kampeon ng Wika ay ang taunang parangal na ibinibigay ng KWF sa mga natatanging indibidwal, institusyon, o samahan na patuloy na bumubuhay at aktibong lumalahok sa pagtataguyod at preserbasyon ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng Pilipinas sa iba’t ibang larangan o disiplina.
Tuntunin sa Paglahok
1. Ang Kampeon ng Wika ay mataas na pagkilála sa mga indibidwal o pangkat na nag-ambag sa pagpapaunlad at pagtataguyod ng Filipino at mga wika ng Pilipinas.
2. Bukás ang nominasyon sa mga indibidwal—laláki man o babae—samahán, tanggapan o institusyon, at mga ahensiyang pampamahalaan o pribadong sektor na may natatanging ambag o nagawa túngo sa pagsusulong, pagpapagalaganap, pagpapayabong, at preserbasyon ng alinman sa mga katutubong wika sa Pilipinas sa ibá’t ibáng larang at disiplina.
3. Para sa mga indibidwal, kinakailangang may gulang na hindi bababâ sa apatnapung (40) taon. Para sa mga samahán, tanggapan, ahensiyang pampamahalaan, at/o pribadong sektor, kinakailangang naestablisa nang hindi bababâ sa limáng (5) taon.
4. Mayroong katipunan ng mga akda o gawaing nakapag-ambag sa alinman sa mga katutubong wika sa iba’t ibang larang at/o disiplina. (Kinakailangang ilakip sa nominasyon bílang pruweba.)
5. Ang mga nominado ay marapat na manggaling sa rekomendasyon ng indibidwal o pangkat.
6. Pára sa onlayn na nominasyon, ihanda ang lahat ng softcopy (.pdf format) at magtungo sa link na ito: https://forms.gle/29WWupVDuxwkamGHA
• KWF Pormularyo ng Nominasyon
• Liham nominasyon na nagsasaad ng buod ng kalipikasyon ng nominadong indibidwal o samahán at nilagdaan ng nagnomina;
• Curriculum vitae (kung indibidwal) o profayl ng organisasyon (kung samahán);
• Mga pruweba sa katipunan ng mga akda o gawaing nakapag-ambag sa wikang Filipino at/o alinmang katutubong wika sa bansa; at
• Balidong ID ng nagnomina (.jpeg format)
7. Pára sa nominasyon na ipadadala sa koreo, ilakip sa isa o higit pang long brown envelop ang lahat ng dokumento (hardcopy) na nakasaad sa bílang 6 at ipadalá sa:
Lupon sa Dangal ng Wikang Filipino 2022
Komisyon sa Wikang Filipino
2/P Gusali Watson, 1610 Kalye J.P. Laurel
San Miguel, Maynila (KWF)