LUNGSOD NG QUEZON -- Naglabas ng direktiba ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa Bicol Regional DRRM Council (RDRRMC) kaugnay ng mga paghahanda matapos ang phreatic eruption ng Bulkang Bulusan kaninang umaga.
Sa inilabas na memorandum order, pinaalalahanan ang Bicol RDRRMC sa ipinagbabawal na pagpasok sa apat na kilometro na radius Permanent Danger Zone o PDZ gayon din ang pagbabantay sa dalawang kilometrong extended danger zone dahil sa banta ng muli pang pagputok ng bulkan.
Inabisuhan din ang mga ahensya sa Bicol region na tiyakin na ang mga abiso mula sa mga awtoridad ay naipararating ng mga lokal na pamahalaan sa mga apektadong lugar para sa pagsasagawa ng mga karampatang paghahanda gaya ng pagsunod sa posibleng evacuation, proteksyon laban sa ashfall, at iba pang mga pag-iingat.
Samantala, nagpapatuloy ang koordinasyon ng Office of Civil Defense, NDRRMC, Bicol RDRRMC, at ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology hinggil sa sitwasyon at mga kaganapan kaugnay ng Bulkang Bulusan.
Tuloy-tuloy rin ang paglalabas ng abiso, emergency text alerts at mga paalala para sa kaligtasan ng mga apektadong residente sa Sorsogon. Patuloy din ang pagbabantay ng NDRRMC Operations Center.
Sa kasalukuyan ay nakataas na sa Alert Level 1 (low level unrest) ang Bulkang Bulusan.