LUNGSOD NG MAYNILA -- Kasado na ang lagdaan ng Memorandum ng Kasunduan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at National Coordination Network of Deaf Organizations (NCNDO) kasama ang National Coordination Network for Interpreting (NCNI). Ang NCNDO ay pinamumunuan ng Philippine Federation of the Deaf (PFD), kabilang ang Filipino Sign Language Advocacy Cooperative, Deaf Accessibility Network of the Philippines, at ang Phil-Sports Federation of the Deaf. Ang NCNI bilang network ng mga interpreter at organisasyon sa interpreting ay kinakatawan ng Philippine National Association of Sign Language Interpreters (PNASLI). Ang Philippine Association of Interpreters for Deaf Empowerment, at Philippine Registry of Interpreters for the Deaf ay bahagi rin ng NCNI.
Magtatalaga ang KWF ng Yunit ng Filipino Sign Language (FSL) na magiging katuwang sa pagpaplano at implementasyon ng promosyon at pagtuturo ng FSL; at institusyonálisasyon ng wikang senyas sa lahat ng tanggapan ng pamahalaan.
Ang Republic Act 11106, ang Filipino Sign Language Act ay isang makasaysayang batas na ipinatupad noong 2018 na nagdedeklara sa FSL bilang pambansang wikang senyas ng Deaf na Pilipino. Ito ay gagamitin bilang opisyal na wikang senyas sa mga transaksiyon ng mga Deaf sa pamahalaan. Ito ay gagamitin din sa mga paaralan, broadcast media, at lugar ng trabaho. Gayundin, itinatakda ng batas na ito ang pagbuo ng isang sistema ng pambansang pamantayan para sa pag-interpret sa FSL. Ang batas na ito ay kinilala ng World Federation of the Deaf bilang huwaran ng legal na pagkilala sa pambansang wikang senyas na matatagpuan lamang sa 40 bansa sa buong mundo.
Saklaw sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng batas na ito ang iba’t ibang dominyo ng edukasyon, hudikatúra, midya, kalusugan, lugar ng trabaho, at iba pang mga pampublikong pasilidad / serbisyo / transaksiyon. Ang KWF ang itinalaga sa implementasyon ng batas kasama ang Commission on Human Rights, Philippine Commission on Women, at Council for the Welfare of Children, at pati na rin ang iba pang samahan ng mga Deaf. Ang KWF ang magpapatawag ng pulong sa mga Inter-Agency Council para sa taunang monitoring at ebalwasyon ng implementasyon ng batas na ito. Ang IRR ay nagtatakda sa 36 ahensiya ng pamahalaan o tanggapan para sa implementasyon ng batas batay sa kanilang mga mandato.
Ang paglagda ng Memorandum ng Kasunduan ay nakatakda sa Miyerkoles, 6 Hulyo 2022, 2:00 nh sa tanggpan ng KWF. Ito ay isang FSL interpreted na programa at mapapanood ng live. Para sa iba pang impormasyon, maaaring makipag-ugnayan sa tanggapan ni Komisyoner Benjamin Mendillo sa (632) 899-60670, o kwf.kom.bmendillo@gmail.com. (KWF)