No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

CBMS, aarangkada na Ngayong Agosto 2022

LUNGSOD NG QUEZON -- Isasagawa ngayong Agosto ang 2022 Community-Based Monitoring System (CBMS) sa humigit-kumulang na 600 lungsod at bayan sa ating bansa, sa pangunguna ng Philippine Statistics Authority (PSA) at mga kaukulang lokal na pamahalaan. Ang CBMS ay naglalayong abutin ang bawat isang sambahayan o household upang kapanayamin tungkol sa kanilang demographic at socio-economic characteristics at iba pang impormasyong may kinalaman sa kanilang kalusugan, nutrisyon, istruktura ng bahay na tinitirahan, access sa malinis na tubig at palikuran, edukasyon, kakayahang bumasa’t sumulat, partisipasyon sa komunidad, trabaho at kabuhayan, at kapayapaan at kaayusan sa kanilang komunidad. Ang mga impormasyong ito ay magsisilbing mga sukatan o indicators ng kalagayan ng pamumuhay ng mga sambahayan at mga komunidad sa ating bansa

Sa mga lungsod at bayan na kasali sa CBMS ngayong taon, mayroong mga hired field personnel tulad ng enumerators o data collectors, team supervisors, at area supervisors na liligid at magbabahay-bahay sa bawat komunidad upang isagawa ang nasabing panayam o interview.

Ang mga nabanggit na field personnel ay required na sumailalim sa walong araw na matinding pagsasanay tungkol sa mga konsepto sa CBMS, angkop na paraan ng pagtatanong o pag-iinterview, at ang paggamit ng computer application para sa gagawing house-to-house interviews. Sa pagpapasimula ng aktwal na pagkalap ng impormasyon sa mga sambahayan, kinakailangang maisagawa muna ng mga CBMS field personnel ang courtesy call sa tanggapan ng pamahalaang pambarangay upang makuha ang endorsement ng tanggapan ng punong barangay sa isinasagawang CBMS sa kanilang lugar.

Ang pagkalap ng impormasyon ay sa pamamagitan ng Computer-Assisted Personal Interviewing (CAPI). Ito ay face-to-face interview o personal na pakikipanayam sa isang responsableng miyembro ng sambahayan gamit ang questionnaire na nakalagay sa isang tablet. Sa mga natatanging pagkakataon, Paper and Pencil Interviewing (PAPI) naman ang magiging proseso ng pagkuha ng impormasyon mula sa mga inaasahang respondents ng gawaing ito.

Gagamitin ang datos mula sa CBMS bilang basehan sa: 1) pagsusuri ng tunay na kalagayan ng kabuhayan ng mga sambahayan sa ating bansa; 2) makagawa ng nauukol na plano at programa ang mga lokal na pamahalaan at ang national government tungo sa pag-ibsan ng kahirapan sa ating bansa; at 3) pag-tukoy ng mga karapat-dapat na benepisyaryo ng iba’t ibang social protection programs ng pamahalaan.

Inaanyayahan ang lahat na makilahok at makibahagi sa matagumpay na pagsasagawa ng CBMS simula ngayong 08 Agosto 2022. (PSA)

About the Author

Kate Shiene Austria

Information Officer III

Information Officer III under the Creative and Production Services Division of the Philippine Information Agency. 

Feedback / Comment

Get in touch