LEGAZPI CITY —Nagsagawa kamakailan ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng ilang serye ng pamamahagi ng certificates of land ownership award (CLOAs) at computerized land titles (E-titles) sa agrarian reform beneficiaries (ARBs) sa Bicol nitong huling linggo ng Hulyo 2022.
Naigawad sa 215 magsasaka mula sa limang bayan sa mga lalawigan ng Sorsogon at Camarines Sur, ang sakahan na sumasaklaw sa 344.8695 ektarya ng lupang agrikultural.
Sa Sorsogon, pitong (7) magsasakang-benepisyaryo mula sa bayan ng Juban ang nabigyan ng kanilang mga e-title na sumasaklaw sa 18.9407 ektarya ng lupa. Ito sinundan ng paggawad sa 64 magsasaka ng kanilang titulo ng lupa na may 68 ektarya sa Ocampo, Camarines Sur.
May 67 benepisyaryo mula naman sa Bangon, Lupi sa Camarines Sur ang tumanggap ng kanilang mga titulo ng lupa na sumasakop sa 89 ektarya, habang 77 magsasaka naman ang nabigyan ng CLOA at c-title na sumasaklaw sa 168.8 ektarya sa Caramoan at Garchitorena.
Ibinahagi ni Engr. Romulo Britanico, Assistant Regional Director for Operations ng Bicol Region, na ang mga ipinamahaging titulo ng lupa ay sumasaklaw sa ektarya ng lupang ipinatupad sa ilalim ng Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP).
"Ang mga titulo ay simbolo na kayo na ang may-ari ng inyong sinasakang lupa. Ang pagtanggap ng titulo ay simbolo rin na ginampanan namin ang aming trabaho ng mahusay at matapat," ani Britanico.
Pinayuhan din niya ang mga benepisyaryo na bungkalin ang lupa at gawing produktibo at pinaalalahanan sila sa kanilang obligasyon sa lupa.
"May kaakibat po na responsibilidad ang pagtanggap nitong titulo. Hinihiling ko lamang sa inyo na pagyamanin at gawing produktibo ang lupa." dagdag pa niya.
Ang magsasaka na si Dominguito G. Mimay, 57, ay nagpahayag ng pasasalamat sa DAR at nangakong gagampanan ang kanyang mga tungkulin bilang benepisyaryo ng DAR. Isa siya sa pito na tumanggap ng titulo ng lupa na dating pag-aari ng Erquiaga Development Corporation estate sa Barangay Buraburan, Juban.
"Maraming salamat sa DAR. Ang tagal kong hinintay ang titulong ito, hindi ko mailarawan kung ano ang nararamdaman ko ngayon. Sa wakas ay amin na ang lupa. Panigurado na ito ay aming pakaiingatan," bulalas ni Mimay.
Mula Enero 1 hanggang sa kasalukuyan ng taong ito, ang DAR sa Bicol ay nakapagbigay na ng mga titulo ng lupa na binubuo ng 698.6 ektarya ng lupang sakahan sa 408 na magsasakang-benepisyaryo.