No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Mayor Sandoval, DepEd-Malabon binuksan ang Brigada Eskwela sa lungsod

LUNGSOD NG MALABON -- Pormal na binuksan sa lungsod ng Malabon ang pagsisimula ng Brigada Eskwela 22 sa magkatambal na pangunguna ni City Mayor Jeannie N. Sandoval at lokal na sangay ng Department of Education (DepEd) nitong Agosto 3, 2022.

Sa pambansang temang “Tugon sa Hamon ng Ligtas na Balik-Aral,” sinimulan ang masiglang okasyon sa motorcade mula sa DepEd - Schools Division Office sa barangay ng Longos patungo sa Malabon National High School (MNHS) na nilahukan ng daan-daang kinatawan ng mga paaralan, lokal at pambansang sangay ng pamahalaan, mga magulang at mag-aaral, barangay at komunidad sa siyudad.

Ganap namang ika-8 ng umaga, isinagawa ang programa sa MNHS bilang pasakalye sa muling pagbubukas ng face-to-face o in-person na pag-iiskwela sa Agosto 22, sa kahalintulad na gawi noong bago manalanta ang pandemyang dulot ng sakit na COVID 19.

Matatandaang hakbang ang Brigada upang pagtulungan ng mga kawani at guro ng pampublikong paaralan, magulang, mag-aaral at buong komunidad ang pisikal na paghahanda ng mga pasilidad at kagamitan sa eskwelahan kada pagbubukas ng taong-pampaaralan.

Naantala ang diwa ng bayanihang ito sa loob ng dalawang taon mula 2020, kaya’t sa naturang okasyon ay ipinaabot ni Mayor Sandoval ang pagbati sa panimulang tagumpay na bunga ng pagtutulungan ng iba’t-ibang sektor sa lungsod, pribado at publiko.

Ipinaabot din ng alkalde ang pasasalamat sa aktibong paglahok ng bawat isa, na pawang nakatuon sa kapakanan ng mga mag-aaral, kung saan ang tagumpay ng mga ito ay magiging tagumpay din ng lungsod ng Malabon at ng komunidad.

Kabilang sa mga pribadong grupong tumulong sa aktibidad ang ALFEE Foundation, Food for the Hungry-Philippines, Kaisahang Buhay Foundation, Inc., Malabon Bayanihan Riders, PBSP, Save the Children, Soroptomist International, World Vision, Philippine Red Cross, at iba pa.

Lumahok naman sa pambansang mga sangay ang Philippine National Police, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology at Armed Forces of the Philippines.

Tampok din sa programa ang pagkilatis sa pitong “floats” sa ginanap na parada na sadyang idinibuho sang-ayon sa tema. Pinangunahan din ni Mayor Sandoval na kilalanin at gantimpalaan ng karampatang halaga ang pagtutulungan ng iba’t-ibang grupong gumawa nito.

Gayundin, inilahad ang mga karangalang kinamit ng ilang paaralang publiko ng lungsod na lumahok sa National Capital Region level na patimpalak kaugnay ng pambansang pagbubukas ng Brigada Eskwela noong Agosto 2.

Sa lokal na panawagan na #competence_character@malaboncity, ipinagmalaki ni Malabon Schools Division Superintendent Mauro C. De Gulan ang kahandaan ng lungsod na magiging ligtas ang pisikal na pagbubukas ng klase at ipinaabot ang pasasalamat sa lahat ng nag-ambag at aktibong lumahok sa paglarga ng Brigada. Nag-anyaya rin ito sa paglahok ng lahat sa pag-ikot ng aktibidad sa mahigit 40 publikong paaralan sa lungsod.

Nagpaabot din ng suporta, pasasalamat at pagbati sa Brigada Eskwela 22 si Cong. Jaye Lacson-Noel at lumahok din sa okasyon si Coun. Nadja Vicencio, at iba pang opisyal ng lokal na pamahalaan.

Nagtapos ang programa sa seremonyal na Commitment Signing ng bawat kalahok, turn-over ng mga kagamitan para sa Brigada, at aktwal na pagtulong ng mga kalahok sa pagkumpuni, paglilinis at pagpipintura ng kagamitan sa eskwela.

Inilahad naman ng ina ng lungsod, Mayor Sandoval ang tuluy-tuloy na pagsuporta at pag-agapay ng pamahalaang lokal sa DepEd Malabon sa larangan ng edukasyon sa iba’t-ibang kaparaanan. (LGU Malabon)

About the Author

Kate Shiene Austria

Information Officer III

Information Officer III under the Creative and Production Services Division of the Philippine Information Agency. 

Feedback / Comment

Get in touch