LUNGSOD NG QUEZON -- Nagpaalala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng ibayong pag-iingat sa mga residente ng mga probinsya na maaaring maapektuhan ng posibleng pananalasa ng Bagyong ‘Florita’ ngayon linggo, sa isinagawa nitong pagpupulong ngayong hapon.
Ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), namataan ang bagyong ‘Florita’ sa layong 540 kilometro Silangan ng Tuguegarao City, Cagayan na may lakas ng hanging umaabot sa 55 km/h at bugsong aabot sa 70 km/h.
Sa pagtaya ng PAGASA, makararanas ng mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan ang Cagayan, Isabela, Batanes, at Aurora bukas ng umaga hanggang hapon.
Makararanas naman ng malakas hanggang matinding pag-ulan bukas ng gabi hanggang Martes ang Batanes, Cagayan, Isabela, Cordillera Administrative Region, at Ilocos Region.
Mahina hanggang katamtaman at kung minsan ay malakas na pag-ulan ang maaaring maranasan sa bahagi ng Central Luzon at natitirang bahagi ng Cagayan Valley.
Pinapayuhan na maging mapagmatiyag, listo at maingat ang mga residenteng nakatira sa mga apektadong lugar sa banta ng pagbaha, pagguho ng lupa, at sa panganib ng malakas na hangin na dala ng bagyo.
Sa kasalukuyan, Itinaas na rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa Hilagang bahagi ng Aurora (Dilasag), Silangang bahagi ng Isabela (Dinapigue, Palanan, Divilacan, Maconacon, San Pablo, Cabagan, Tumauini, Ilagan City, San Mariano) at Silangang bahagi ng Cagayan (Peñablanca, Baggao).
Inaasahan itataas ang TCWS No. 2 sa Silangang bahagi ng Hilagang Luzon bukas ng umaga. Posibleng maging Tropical Storm ang bagyo habang ito ay lumalapit sa kalupaan, dagdag pa ng PAGASA.
Nakahanda na ang NDRRMC pati na rin ang iba’t ibang mga Regional DRRM Councils, mga ahensya ng pamahalaan at mga pamahalaang lokal para sa mga posibleng sakunang idulot ng bagyo. Patuloy na pag-iingat, pag-antabay sa ulat panahon at pagsunod sa mga abiso ng awtoridad ang paalala sa lahat. (NDRRMC)