LUNGSOD NG MAYNILA -- Ang tema ng Buwan ng Wika 2022 ay indikasyon ng patuloy na pagbabantayog ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa mandato nitóng nasasaad sa RA 7104, Section 14 (h) na nag-aatas sa KWF na “magsagawa sa mga antas na pambansa, rehiyonal, at lokal ng mga pagdinig pampubliko, kumperensiya, seminar, at iba pang mga pangkatang talakayan upang umalam at tumulong sa paglutas ng mga suliranin at mga isyung may kaugnayan sa pagpapaunlad, pagpapalaganap, at preserbasyon ng Filipino at iba pang mga wika ng Pilipinas.”
Patunay rin ang tema ng BnW 2022 ng matalik na komitment at pakikiisa ng KWF sa 2022—2032 International Decade on Indigenous Languages ng UNESCO na ang pangunahing lunggati ay itaguyod ang karapatan ng Mámamayáng Katutubo sa malayang pagpapahayag, pagkakaroon ng akses sa edukasyon, at partisipasyon sa mga gawaing pampamayanán gámit ang katutubong wika bílang pangunahing kahingian sa pagpapanatiling buháy ng mga wikang pamana na ang karamihan ay nanganganib nang maglaho.
Pakikiisa rin ito ng KWF sa nagkakaisang panawagan sa likod ng sumusunod na pandaigdigang selebrasyon sa taguyod ng UNESCO: 2022 International Year of Basic Sciences for Sustainable Development; 2022 International Year of Artisanal Fisheries and Agriculture (IYAFA 2022); at 2022 International Year of Sustainable Mountain Development.
Hinggil sa 2022 International Year of Basic Sciences for Sustainable Development
Ang tema ng BnW 2022 ay pagkilala sa hindi matatawarang halaga ng basic science research na malimit tukuying pundamental o batayang saliksik na nagsisilbing pundasyon ng kaalamang inilalapat sa applied science. Hindi mapabubulaanan na lahat ng mga dakilang tuklas na bumago sa kasaysayan at paraan ng pamumuhay ng sangkatauhan ay nagmula sa payak na siyensiya (basic sciences). Ayon nga sa kasabihan todays science will be tomorrows technology. Katulad ng wika, ang teknolohiya ay hindi nabubuhay sa vacuum dahil bawat mumunting tuklas ay daan lámang sa pag-usbong ng higit pang dakilang imbensiyon na sa kalauna’y bumabago sa kaligiran ng pamumuhay ng mga tao saan mang sulok ng mundo. Samakatwid, ang pagsasantabi o hindi pagsasaalang-alang sa payak na siyensiya ang maituturing na dahilan kung bakit maraming komunidad o bansa sa mundo ang nananatiling lugmok sa kahirapan. Hindi kailan man uusad ang teknolohiya nang walang pagbibigay-priyoridad sa payak na siyensiya na siyang panulukan o gulugod ng institusyonalisasyon ng pananaliksik at pag-unlad (research and development) na mahalaga sa pag-uswag ng anumang industriya.
Ang IYBSSD ay isang paraan ng pagpaparangal sa ating mga siyentista, imbentor, at mga eksperto sa iba’t ibang larang ng siyensiya lalo’t ayon sa UNESCO: It has been said that, without basic science, there would be no science to apply. Anupa’t ang pagbibigay halaga sa basic sciences ay maihahalintulad sa paghahasik ng binhi tungo sa pagpapatuloy ng magandang búkas ng bawat lipunan.
Kayâ sa tuwing gagamit táyo ng computer, smart phones, QR codes, at iba pang dakilang imbensiyon, alalahanin din natin ang ating mga siyentista na gumugol ng mahabang panahon sa mga laboratoryo, aklatan, at iba’t ibang lunan na nagbigay-daan sa napakaraming tuklas na nagdudulot ng maraming pakinabang sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.
Ang pagtatagpo ng siyensiya at karunungang-bayan
Maiiwasan ang tunggaliang o banggaan sa pagitan ng katutubong kaalaman sa agrikultura at medisina kung mabibigyan ng pagkakataon na masuri sa pamamagitan ng maagham na pamamaraan ang mga katutubong paniniwala ukol sa mga halamang gamot na inaasahang makapagdudulot ng malaking benipesyo sa bawat komunidad o bansa.
Sa bulubunduking mga lugar sa Pilipinas, maaaring maging kapaki-pakinabang ang katutubong kaalaman ukol sa irigasyon at pamamahala sa patubig, inhenyeriya, at paraan ng pagtatanim at pag-aani mula sa mga kababayan nating Ifugao. Hindi kailangang malagay sa panganib o maisakripisyo ang mga katutubong kaalaman o karungang-bayan nang dahil sa pagbulusok ng mga tuklas sa larang ng siyensiya at teknolohiya dahil maaari itong mapag-ugnay ng mga payak na siyensiya.
Anupa’t mahalagang maigalang ang payak na siyensiya partikular na sa akademya sapagkat ang unti-unting pagkawala ng natural sciences ang siyá ring pumapatay sa oportunidad na magtagpo, matuto, at magpalitan ng kaalaman ang mga siyentista at miyembro ng komunidad ukol sa higit na epektibong pangangalaga sa ating kapaligiran.
Ayon pa kay Paul K. Dayton (2003), we must reinstate natural science courses in all our academic institutions to ensure that students experience nature first-hand and are instructed in the fundamentals of the natural sciences. Sa ganitong sitwasyon, napakahalaga ng mga katutubong wika sa pagtatawid ng kaalaman sa pagitan ng mga eksperto sa siyensiya at miyembro ng bawat komunidad.
Ito rin mismo ang panawagan ng 2022—2032 International Decade on Indigenous languages ng UNESCO na ang pangunahing lunggati ay itaguyod ang karapatan ng Mámamayáng Katutubo sa malayang pagpapahayag, pagkakaroon ng akses sa edukasyon, at partisipasyon sa mga gawaing pampamayanán gámit ang katutubong wika bílang pangunahing kahingian sa pagpapanatiling buháy ng mga wikang pamana na ang karamihan ay nanganganib nang maglaho.
Anupa’t napakahalaga ng paggamit ng mga katutubong wika sa sistemang pangkatarungan, media, at mga programa ukol sa paggawa at kalusugan. Isinasaalang-alang din ang potensiyal ng teknolohiyang dihital sa pagtataguyod at preserbasyon ng mga nabanggit na wika. Hinggil sa kung bakit mahalaga ang pagbibigay priyoridad sa mga Katutubong Mámamayán at sa kanilang komunidad?
1) Ang mga Katutubong Pámayanán ang bumubuo sa 22% ng kalupaan at 80% ng biological diversity ang nása pangangalaga ng mga itó.
2) Sa pagkawala ng mga Katutubong Pámayanán, “naglalaho din ang biodiversity, at ng sapat na mapagkukunan ng pagkain.” (Kichwa Cotopaxi at Otavalo indigenous activist Ninari Chimba Santillan)
3) Mahalaga ang pangangalaga sa mga Katutubong Pámayanán upang maagapan ang patuloy na pagkawala ng 40% ng mahigit 7,000 wika sa mundo, batay sa pagtatáya ng United Nations Permanent Forum on Indigenous Issues.—The UNESCO Representative in Mexico, Frédéric Vacheron
Hinggil sa 2022 International Year of Sustainable Mountain Development
Ang mga kabundukan ang nagsisilbing tahanan ng halos kalahati ng biodiversity sa mundo. Napakahalaga ng pangangalaga sa ating mga kabundukan laban sa banta ng climate change at mga mapaminsalang kilos o gawi ng mga tao. Bukod sa nagsisilbi itong tahanan ng mga flora at fauna na napakahalaga sa pag-iral ng sangkatauhan, sa ating mga kabundukan din nagmumula ang halos kalahati sa suplay ng tubig na pinakikinabangan ng mga pamayanan sa iba’t ibang bahagi ng daigdig [Kohler, Humi, Giger, at Ott (2010)].
Sa mga katutubong wika nakaimbak ang malawak na kaalaman ng bawat komunidad ukol sa kanilang paligid na magtagumpay nilang natipon at naisalin sa pagitan ng mga henerasyon (Rÿser 2011). Ang pamilyaridad ng mga katutubo sa kagubatan ay nagtataglay ng mga karunungan, paniniwala, at gawi na siyang nagbigkis at nagpapatibay sa ugnayan sa loob ng isang pamayanan. Anupa’t ang preserbasyon ng ating mga kagubatan at kabundukan ay pagsisinop din ng kanilang halagahang kultural.
Ang kabundukan ay malaon nang nagsisilbing tahanan ng maraming katutubong pamayanang kultural at mahalagang maisangkot silá sa lahat ng diskusyon o diyalogo partikular na sa mga usaping may tuwirang epekto sa kanilang pag-iral. Kailangang kilalanin ang kanilang kultura at tradisyon lalo na ang kanilang mga wika upang mabigyan silá ng sapat at makatwirang representasyon. Mabisang napangangalagaan ng mga katutubong mámamayán ang kani-kanilang kagubatan sa pamamagitan ng kanilang mga katutubong kaalaman na mula pa sa kanilang mga ninuno. Ayon pa kina Camacho, Gevaña et al (2015): Notwithstanding the transformations of many indigenous knowledge systems in the Philippines, there remain intact traditional forestry practices that help promote sustainable forest management. Magandang simula ang pagbibigay-representasyon sa mga katutubo lalo’t 14–17 milyon ng populasyon ng
Pilipinas ay nabibilang sa mga katutubong pamayanang kultural na kabilang sa 110 etnolingguwistikong pangkat na ang karamihan ay nása Hilagang Luzon (33%), Mindanao (61%), at ang iba pa ay matatagpuan sa ilang bahagi ng Visayas (UNDP, 2010).
Napakayaman ng kaalamang pangkalikasan ng mga katutubo. Magandang tingnan ito sa pamamagitan ng kanilang wika—kung paano ito makalilinang ng kulturang pangkalikasan, lalo na sa panahon ngayon na may krisis sa kalikasan na kailangang agapan.
Hinggil sa 2022 International Year of Artisanal Fisheries and Agriculture
Ang IYAFA 2022 ay isang panawagan túngo sa responsableng pagkonsumo sa mga biyayang mula sa ating mga yamang-tubig at yamang-lupa. Kinikilala rito ang mahalagang gampanin ng karaniwang mangingisda maging sa mga nagmamantine at manggagawa sa mga industriya ng pangisdaan túngo sa pagkakaroon ng seguridad sa pagkain at pagpapababa ng antas ng kahirapan. Isa rin itong panawagan sa malalaking industriya na maging responsable kasabay ang pagdidiin sa halaga ng patuluyang pag-unlad sa pamamagitan ng makatwirang paggamit o pagkonsumo ng ating mga likás na yaman.
Layunin ng IYAFA 2022 na maitaas ang kamalayan ng mga itinuturing na small-scale fisheries at aquaculture para sa pagpapalakas ng inter-aksiyon sa pagitan ng mga komunidad at stakeholders túngo sa pagpapatatag ng suplay ng pagkain sa mundo. Sa ganitong paraan, unti-unting mababawasan ang kahirapan.
Ano ang Artisanal Fishery?
Ito ay nangangahulugang “likha o gawa ng kamay” at ginagamit upang ilarawan ang mga produktong likha ng mga eksperto o skilled workers. Nauukol ito sa maliliit na komunidad o pamilyang ang ikinabubuhay ay panghuhúli at pagbebenta ng isda.
Saklaw rin nitó ang tradisyonal na pag-aalaga o aquaculture. Tumutukoy rin ito sa paggamit ng maliliit na kapital, sasakyang gámit sa panghuhúli na hindi gaaanong lumalayo sa mga baybayin; at ang dahilan ng pagpalaot ay para lámang sa lokal na pangangailangan o pagkonsumo.
Ang pagpapalaganap ng mga kabatiran ukol sa artisanal fishery ay isang paraan upang labánan ang malabis na pangingisda o overfishing na hindi lámang nag-iiwan ng pinsala sa ating mga karagatan kundi nagkakait din ng oportunidad sa maliliit na mangingisda na magkaroon ng akses sa ating yamang-tubig at mamuhay ng marangal. Tinatayang sangkatlo o one third (31.4%) ng stocks ng isda sa mundo ay maituturing na overfished ayon sa ulat ng United Nations na pinamagatang “The State of World Fisheries and Aquaculture” noong 2016.
Ang malabis na pangingisda o overfishing ay resulta ng ilegal at hindi naiuulat o napapatnubayang paraan ng pangingisda. Hindi lámang ito nagsisilbing banta sa stocks kundi maging sa tahanan o ecosystem ng iba’t ibang uri ng isda. Ang pagpapatuloy ng ilegal at malabis na pangingisda ay tuwirang banta sa seguridad ng pagkain partikular na sa mahihirap na bansa. Kayâ naman kasáma sa panawagan ng United Nations ang sumusunod:
• Support sustainable fisheries and restore depleted stocks
• Promote the consumption of fish sourced from sustainably managed fisheries
• Collect, exchange, and publish scientific and technical data and best practices about fishing, fish farming, and aquaculture
• Implement the Sustainable Development Goals, including Goal 14 to conserve and sustainably use the oceans, seas, and marine resources for sustainable development
Mabibigyang katuparan lámang ang mga nabanggit na panawagan kung may inklusibong pagkilos na nagsasangkot sa maliliit na pamayanang na tuwirang apektado ng suliranin. Muli, napakahalaga ng pagkilala sa mga wika ng bawat pamayanan bílang wika ng representasyon hindi lámang sa paglalahad ng kanilang mga hinaing at suliranin kundi bílang bahagi solusyon. Taglay ng maliliit na mangingisda ang malawak na karunungan ukol sa karagatan na nakapaloob sa kani-kanilang wika, kayâ marapat lámang na maging bahagi silá bawat diskusyon at pagbibigay-solusyon.
Pakikiisa ng KWF sa Programang Pangwika ng UNESCO
Matagal nang nakasuporta ang KWF sa mga programang pangwika ng UNESCO at sa katunayan ay nakapagdaos na itó ng Pandaigdigang Kumperensiya sa mga Nanganganib na Wika (2018), Seminar-Workshop sa Digital Archiving ng mga Wika (2018), Pambansang Kongreso sa Katutubong Wika (2019), Lagsik-wika at paglalathala ng Manwal sa Bahay-Wika (2021). Nakapagtatag na rin ng 25 Bantayog-Wika na naglalayong higit na mapahahalagahan ng bawat pámayanáng kultural ang kanilang wika, maging ang pagpapayaman at pagkilála sa mga itó bílang instrumento hindi lámang ng rehiyonal na pagkakakilanlan kundi maging sa pagpapaunlad ng pambansang identidad sa wika. Nariyan din ang programang Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program (2017).
Nagkaroon din ng konsultasyon sa ibá’t ibáng sektor gaya ng DOH, DSWD, DA, at BFAR na nagbigay-daan sa pagkakaroon ng KWF Adyenda sa Pangangalaga ng mga Katutubong Wika noóng 2019 na nakasalig sa prinsipyo ng (1) karapatan (rights) o ang pagtanaw na karapatan ninuman ang paggámit ng sariling wika at pagsasabúhay ng sariling kultura; (2) pagsasáma/pagiging kaisa (inclusion), ang pagkilála sa lahat ng grupo at pagsegurado na silá ay kaisa sa pagbuo ng desisyon lalo na sa usapin ng sarili nilang kaunlaran; (3) pagpapatibay (ratification), ang pagtukoy sa konsensus at pagrespeto sa desisyon ng buong pámayanán; (4) pagtutulungan (partnership), o ang pagtutulungan ng lahat ng ahensiya ng gobyerno at ng komunidad na kaugnay; at (5) pagbibigay-kapangyarihan o pagkilála (empowerment), bílang paraan sa pagtiyak na magtutuloy-tuloy ang mga gawaing itó.
Natukoy rin sa Adyenda ang pitóng (7) salik o aspektong mahalaga sa pagpapalakas, pagtataguyod, at pagpapaunlad ng wika at kultura ng mga Pilipino, túngo sa pagkamit ng maginhawang búhay para sa lahat ng katutubong pámayanán sa bansa. Ang mga
salik na itó ay ang: Pamamahala (Governance), Kabuhayan (Economics), Edukasyon, Promosyon, Kakayahan (Skills), Kalusugan, at Komunidad.
Pagsasapanahon ng Mapa ng mga Wika ng Pilipinas
Ang Mapa (dáting Atlas) ng mga Wika ng Pilipinas ay isang aklat na naglalaman ng komprehensibong impormasyon tungkol sa mga wika ng Pilipinas, tulad ng sumusunod: mga wika ng Pilipinas at distribusyon ng mga wika sa buong bansa, mapa ng mga wika sa bawat rehiyon ng bansa, deskripsiyon ng wika, iba pang tawag sa wika, pangkat na gumagamit ng wika, sigla ng wika, klasipikasyon, mga kilaláng wikain, populasyon, lokasyon, at sistema ng pagsulat.
Halaga
o May implikasyon ito sa pagpaplano at pagpopondo ng mga proyektong pangwika; at sa programang pang-edukasyong Mother Tongue-based Multilingual Education (MTB-MLE).
o Kung tukóy ang bílang ng mga wika, mas malinaw na makikita ang aktuwal na pangangailangan, at maiiwasang maipagamit sa pagtuturo sa mga batà ng isang komunidad ang wikang hindi nila lubos na maiintindihan.
Ngayon, inililipat ng KWF ang Mapa ng mga Wika ng Pilipinas sa online na midyum. Layunin nitong higit na mapadali at mapalawak ang pag-akses dito ng higit na maraming Pilipino—mga katutubong may-ari ng wika, eksperto, mananaliksik, estudyante, at sinumang nagnanais na higit pang matuto at makilala ang napakaraming wika ng Pilipinas. Maaaring bisitahin ang https://kwfwikaatkultura.ph/.
Dokumentasyon ng mga Wika at Kultura
Ang Dokumentasyon ng mga Wika at Kultura ay isang saliksik na gumagamit ng etnograpiko, historiko, at lingguwistikong dulog. Pangunahing sinasaliksik ang sitwasyong pangwika, estado ng panganganib o sigla ng wika, at pagtanaw ng pamayanan sa kalagayan ng wika. Sinisikap ding masinop ang mga karunungan hinggil sa siklo ng búhay, estruktura ng komunidad, sistema ng pamamahala, materyal at di-materyal na kultura, sistemang pangkabuhayan, at iba pang dominyo na pahihintulutan ng komunidad.
Sa pamamagitan ng interbiyu, focus group discussion, pagmamasid, at/o pakikilahok sa gawain ay kinakalap ang mga datos/korpus at inirerekord sa anyo ng audio/video recording at pagkuha ng larawan. Ginagamit ito sa pagbuo ng dalawang awtput ng proyekto—ang metadata ng wika at manuskrito.
Ang manuskrito ay dumaraan sa proseso ng rebisyon at balidasyon sa komunidad.
Pagkatapos ng dokumentasyon, pinagkakalooban ang komunidad, NCIP, at mga kasangkot ng kopya ng saliksik.
Halaga
o Maidodokumento ang wika at kultura ng mga katutubong pamayanang kultural, lalo na ang mga nanganganib nang maglaho
o Mababalida at matutukoy ang sitwasyong pangwika at pangkultura ng mga etnolingguwistikong pangkat sa buong bansa.
o Matutugunan ang kakulangan ng mga babasahín hinggil sa mga etnolingguwistikong pangkat.
Magkakaroon ng korpus ang mga wika na magiging batayan ng mga saliksik.
Programa sa Pagpapasigla ng Wika: Bahay-Wika at Master-Apprentice Language Learning Program (MALLP)
Imersiyon ng mga batà na 1–4 taóng gulang sa wika sa pamamagitan ng inter-aksiyon ng mga batà sa mga tagapagsalita ng katutubong wika, kadalasan ay mga elder.
Adapsiyon ito ng language nest program na may konsepto ng imersiyon sa wika at sa isang kapaligiran na kasáma ang pamilya at natural o likás na natutuhan ng isang batà ang wika. Kayâ pinangalanan itong Bahay-Wika sa Filipino (sa Magbukun ay tinatawag
nila itong Amak-Uhap).
Ang diwa ng programang ito ay ang mabigyan ng intensive exposure sa iisang wika lámang ang kabataan na hindi lámang sa pamamagitan ng pagtuturò ng wika, kundi sa pamamagitan ng pagbuo ng isang kapaligiran na likás na matutuhan (acquisition) ng
batà ang wika. Itinuturing itong isa sa pinakamabisang modelo at paraan sa pagbuhay at pagpapalakas ng wika (Kirkness, 1998; McClutchie Mita 2007; FPCC 2014, p.7).
Ang MALLP ay isang programang pangwika na nakatuon sa isáhang pagtuturò ng wika (one-on-one) ng isang mahusay na tagapagsalita ng wika (master) sa isang mag-aaral ng wika na nása hustong gulang na (adult apprentice). Aplikable ang programang ito sa mga komunidad na may kakaunting tagapagsalita na lámang.
Hindi ito nangangailangan ng isang pormal na materyales pedagohiko upang maisagawa ang pagtuturò bagkus isang ganap na imersiyon din sa iisang wika lámang ang isinasagawa dito. Inaasahan na magbubunga ang MALLP ng mga bagong tagapagsalita ng wika na siyá ring magiging bagong tagapagturo ng wika, maaaring sa Bahay-Wika o sa MALLP.
Pasiglahing muli ang mga wikang nása kalagayang nanganganib nang mawala sa pamamagitan ng paglulunsad ng programang pangwika na tutulong upang maituro at maipása ang katutubong wika sa bagong henerasyon at sa susunod pa, upang mapanatili pa ang pag-iral nitó.
Repositoryo ng Wika at Kultura
Ang Repositoryo ng mga Wika at Kultura ng Pilipinas ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay online na imbákan ng mga impormasyon, saliksik, dokumentasyon, at iba pang mga kaugnay na pag-aaral sa wika at kultura ng mga pangkating etniko sa bansa.
Ang mga impormasyong matatagpuan dito ay búnga ng mga saliksik ng KWF sa pakikipagtulungan sa mga iskolar ng wika, akademiko, institusyon, ahensiya ng pámahalaán, at mga pinunò at kasapì ng mga katutubong pamayanang kultural.
Layunin nitóng madaling maipaabot sa publiko ang mga datos at pag-aaral hinggil sa mga katutubong wika ng bansa.
Isa sa mga tampok na impormasyon na makikíta sa repositoryo ay ang online na bersiyon ng Atlas ng mga Wika ng Filipinas na inilimbag ng KWF noong 2016.
Naglalaman ito ng mga datos tungkol sa tinatáyang 130 wika ng bansa at mapa ng mga wika. Makikíta rin dito ang mga awtput ng dokumentasyon sa wika at kultura ng ilang pangkating etniko sa bansa na sinimulan ng KWF noong 2015 at ipinagpatúloy noong
2018 sa pamamagitan ng Lingguwistikong Etnograpiya ng Pilipinas. Mababása rito ang mga manuskrito na naglalaman ng mga komprehensibong impormasyon tungkol sa wikang sinaliksik, mga video at audio ng panayam, at mga larawan. Ang ibang datos ay
may restriksiyon at hindi maaaring maakses online bílang proteksiyon sa mga informant at komunidad. Maaari lámang itong maakses sa tanggapan ng KWF. Makikíta rin dito ang sipì ng mga nabuong ortograpiya ng KWF, katuwang ang komunidad at iba pang institusyon.
Isa itong patuluyang proyekto ng KWF kayâ ang ilang mga wika ay hindi pa naidodokumento, may mga impormasyong maaaring magkaroon ng rebisyon, at patuloy pa itong idedevelop.
Sa kabuoan, ang tema ng Buwan ng Wika ay pagsasadambana sa dignidad ng mga katutubong wika at sa kultura ng mga komunidad na nagmamay-ari nitó. Ito ang dahilan kung nása pantay na estado ang mga wika sa bansa sa dihital na poster ng Buwan ng Wika kasáma ang Filipino Sign Language (FSL). Naniniwala ang KWF na mabisang paraan ito sa pagbibigay ng katuparan sa bisyon ng National Economic and Development Authority (NEDA) 2017—2022 na Isang matatag, maginhawa, at panatag na búhay para sa lahat. (KWF)