LUNGSOD NG QUEZON -- Matagumpay na idinaos ang opisyal na paglunsad ng 2022 Community-Based Monitoring System (CBMS) Press Launch noong 08 Agosto 2022 na ginanap sa Philippine Statistics Authority (PSA) Media Room, Eton Centris Cyberpod Five, Diliman Quezon City. Ang nasabing gawain ay mula sa pangunguna ng PSA, na pinamumunuan ni Undersecretary Dennis S. Mapa, Ph.D., National Statistician and Civil Registrar General.
Dinaluhan ito ng mga panauhing pangdangal na kinabibilangan nina Senador Sherwin “Win” Gatchalian, Gobernador Jose Enriquez “Joet” Garcia III ng probinsya ng Bataan, at Bb. Alana G. Ramos, Division Chief ng Plans and Policy Monitoring and Evaluation Division – National ICT Planning, Policy and Standards Bureau ng Department of Information and Communications Technology.
Ang mga nabanggit na personalidad ay nagpahayag ng kanilang mensahe ng pagsuporta sa CBMS bilang isang mahalagang aktibidad na inaasahang makakatugon sa pagpuksa sa kahirapan at sa paglago ng sosyo-ekonomikong aspeto ng lipunan. Gayundin, nagpahayag ng kanilang marubdob na suporta sapamamagitan ng recorded videos sina Secretary John Ivan Uy ng Department of Information and Communications Technology at Undersecretary Marlo Iringan ng Department of the Interior and Local Government. Ang mga nasabing ahensya ay kabilang sa konseho ng CBMS na pinangungunahan ng PSA.
Ayon sa Batas Republika bilang 11315, ang PSA ang ahensya na mangunguna sa pagsasakatuparan ng CBMS. Kaakibat nito ang pagsasakapangyarihan ng mga lokal na pamahalaan upang makakalap ng mga pangsambahayang impormasyon na maaaring gamitin sa proseso ng pagpaplano, pagbabadyet, at pagpagpapatupad ng mga programa. Mula sa CBMS, makakagawa ng mga tamang programa at polisiya patungkol sa basic services para sa lahat ng mamamayan. Gamit ang datos, matutukoy din ang mga nararapat na benepisyaryo ng mga social protection programs para sa pinabuting kalidad ng buhay.
“Kung mayroon pong kumatok sa inyong pintuan na PSA-CBMS data collector na kadalasan ay may suot na CBMS polo shirt at palaging mayroong CBMS ID, nakikiusap po kami na sila ay patuluyin at sagutin ang kanilang mga katanungan nang tapat at totoo. Ang inyo pong mga kasagutan ay mahalaga at magagamit upang umunlad ang ating komunidad“ – paghimok ni Undersecretary Mapa sa publiko na lumahok sa panayam na gagawin kaalinsunod ng mandato ng CBMS. Dagdag pa niya sa pag-eenganyo, “Tara na, tayo na! Makilahok sa CBMS!”
Para mapanuod ang nasabing programa, pumunta sa link na ito: https://bit.ly/2022CBMSPressLaunch (PSA)