No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Estrella inanunsyo ang pagdaraos ng AgriLINK Exhibit 2022

Inhayag ni dating Abono party-list representative at ngayon ay Department of Agrarian Reform (DAR) Secretary Conrado Estrella III ang pagdaraos ng 27th AgriLINK Exhibit na nakatakdang ganapin mula Oktubre 6–8, 2022 sa World Trade Center sa Roxas Blvd., Pasay City.

Ang AgriLINK ay isang kinikilalang international agribusiness exhibition sa Pilipinas, na nag-aalok ng mahigit 500 indoor at outdoor booth, kung saan ang mga kalahok ay maaaring magpakita at magpamalas ng kanilang mga mahuhusay na produkto, bagong kaalaman, teknolohiya, mga kagamitan at mga serbisyo, gayundin ang mga buhay na mga hayop at mga pananim.

Magtatanghal din ito ng 24 na seminar slot na may kaugnayan sa teknikal at mga bagong produkto, at mga natatanging kaganapan tulad ng domonstrasyon ng pagluluto, paglulunsad ng produkto, mga patimpalak, at mga nakaaaliw na laro.

“Ito ay isang magandang pagkakataon para sa ating mga organisasyon ng mga magsasaka na isulong at ipamalas sa lahat na ang mga produkto ng ating mga magsasaka ay kasing husay ng mga nasa ibang panig ng mundo,” ani Estrella.

Upang himukin ang iba’t ibang agrarian reform beneficiaries organizations (ARBOs) sa buong bansa na lumahok at ipakita ang kanilang mga produktong pang-agrikultura, inatasan ni DAR Undersecretary for Support Services, Atty. Milagros Isabel Cristobal ang lahat ng rehiyon at probinsya ng DAR na makilahok para maibenta ang kanilang mga produkto sa mas malawak na merkado.

“Ang pakikilahok ng ating mga ARBOs sa exhibit ay magpapakita ng resulta ng pagsisikap ng ating mga benepisyaryo na gawing mas produktibo ang lupang ipinagkaloob sa kanila ng DAR” ani Cristobal.

Ayon kay Cristobal, ang AgriLINK Exhibit 2022 ay magsisilbing daan para sa mga bagong kaalaman at karanasan dahil maglulunsad ito ng iba’t-ibang aktibidad, kabilang ang mga sumusunod:

a)    27th International Agribusiness Exhibition and seminars;

b)   21st International Food Processing, Packaging and Product Exhibition; at

c)    16th National Fisheries Exhibition and seminars.

Ang pakikilahok ng mga ARBO ay mangangailangan ng kaukulang bayad sa pag-upa para sa mga magagamit na lugar ng exhibit. Hinihikayat ang mga interesadong stakeholder na mag-log in sa website na www.agrilink.org para sa lahat ng detalye ng aplikasyon o makipag-ugnayan kay Ted Adrian A. Damole o Lia Melcha M. Pandapatan ng Bureau of Agrarian Reform Beneficiaries Development (BARBD) sa telepono numero 02-8926-1890.


About the Author

Melva Gayta

Writer

Central Office

Feedback / Comment

Get in touch