Matapos ang dalawampung (20) taong paghihintay, sa wakas ay natanggap na ni Warnita Mocay, isang 78 taong gulang na agrarian reform beneficiary (ARB) sa Northern Mindanao, ang kanyang Certificate of Land Ownership Award (CLOA) mula kay Department of Agrarian Reform Secretary Conrado Estrella III sa kanyang pagbisita sa Cagayan de Oro City kahapon, Setyembre 9, 2022, bilang pagsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pabilisin ang pamamahagi ng lupa sa mga magsasakang-benepisyaryo.
Si Mocay na nagsasabing siya ang pinakamatandang tumanggap ng CLOA sa lugar, ay isa sa 654 agrarian reform beneficiaries (ARBs) na binigyan ni Estrella ng CLOAs at electronic land titles (e-titles) sa ilalim ng Support to Parcelization of Lands for Individual Titling (SPLIT) Project.
Sinabi ni Mocay na inabot ng halos 20 taon bago naresolba ang isyu sa land valuation sa pagitan ng DAR at mga tagapagmana ng Paz Montalban.
“Itong titulo ng lupa ay malaking tulong sa amin. Malaki ang pasasalamat namin dahil sa wakas natanggap na namin ang CLOA na ito pagkatapos ng napakatagal na paghihintay,'' ani Mocay.
Ang mga CLOA ay binubuo ng 999.67 ektarya ng mga lupang pang-agrikultura sa Northern Mindanao kung saan kasama dito ang dating pag-aari ng Paz Montalban sa Balintonga, Aloran, Misamis Occidental.
Sinabi ni Estrella na kasama sa kanyang pangunahing prayoridad ay ang pabilisin ang pamamahagi ng lupa, pagbibigay ng hustisya sa agraryo at paigtingin ang mga suportang serbisyo sa mga ARB.
“Bibigyan namin kayo ng higit pang mga lupain at kinakailangang suporta upang matulungan kayong mapabuti ang inyong kabuhayan,” pangako ni Estrella sa mga ARB.
Aniya, tutulungan ng DAR ang mga ARB na makakuha ng karagdagang kita upang mapabuti ang kanilang pamumuhay.
"Alam naman natin na ang kita sa pagsasaka ay hindi sapat. Kailangang magbigay ng iba't ibang karagdagang pagkakakitaan," aniya.
Bukod sa mga titulo ng lupa, nagkaloob din si Estrella ng mga sub-projects na kinabibilangan ng Tulay ng Pangulo para sa Kaunlarang Pang-Agraryo (TPKP) na nagkakahalaga ng Php11,888,624.74, labing-apat (14) na yunit ng evaporation kettle set na nagkakahalaga ng Php5,012,000.00 at dalawampu't anim (26) yunit ng decorticating machine na nagkakahalaga ng Php2,078,700.00. Inilunsad din ng Kalihim ang “Agraryo Abogado Todo Serbisyo sa Benepisyaryo” upang tulungan ang mga ARB na ayusin ang kanilang mga hindi pagkakaunawaang may kinalaman sa agraryo.