No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

DOLE sa mga employer: Sundin tamang sahod sa holiday ngayong Oktubre, Nobyembre

LUNGSOD NG MAYNILA -- Pinaalalahanan ng labor department ang mga employer sa pribadong sektor na sundin ang kanilang legal na obligasyon sa pagbibigay ng wastong sahod sa kanilang mga manggagawa para sa idineklarang holiday sa Oktubre at Nobyembre 2022.

Ito ay alinsunod  sa inilabas ni Secretary Bienvenido E. Laguesma na Labor Advisory No. 21, series of 2022, na nagtatakda ng wastong pasahod sa mga manggagawa para sa mga idineklarang special (non-working) days sa Oktubre 31 at Nobyembre 1, special (working) day sa Nobyembre 2, at ang regular holiday sa Nobyembre 30.

Idineklara sa Proclamation No. 79 na  special (non-working) day sa Oktubre 31, samantalang Idineklara sa Proclamation No. 1236 ang Nobyembre 1 bilang special (non-working) day para sa pag-alala sa Araw ng mga Patay, Nobyembre 2 bilang special (working) day para sa Araw ng mga Kaluluwa, at Nobyembre 30 bilang regular holiday sa pagdiriwang ng Araw ni Bonifacio.

Nakasaad sa advisory na para sa special (non-working) day sa Oktubre 31 at Nobyembre 1, ang mga sumusunod na patakaran ang dapat sundin:

Kung hindi nagtrabaho ang empleyado, ang “no work, no pay” ang dapat sundin,

maliban na lamang kung may polisiya o CBA ang kompanya na nagbibigay ng sahod para sa nasabing araw.

Para sa trabahong ginampanan sa nasabing araw, babayaran siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang sahod para sa unang walong oras na pagtatrabaho (basic wage x 130%).

Para sa pagtatrabaho ng higit sa walong oras (overtime work), babayaran siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw.

Kung nagtrabaho ang empleyado sa nasabing araw at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, babayaran siya ng karagdagang 50 porsiyento ng kanyang arawang sahod para sa walong unang oras ng pagtatrabaho (basic wage x 150%).

Para sa mahigit walong oras na kanyang trinabaho sa nasabing araw at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, babayaran siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw (hourly rate of the basic wage x 150% x 130% x number of hours worked).

Para sa idineklarang special (working) day sa Nobyembre 2, nakasaad sa labor advisory na kung magtatrabaho ang empleyado sa nasabing araw, babayaran lamang siya ng kanyang arawang sahod at wala siyang matatanggap na premium pay dahil ito ay itinuturing na ordinaryong araw ng pagtatrabaho.

Sa kanilang banda, ang mga sumusunod ang dapat sundin para sa sahod ng mga manggagawang magtatrabaho sa Nobyembre 30, regular holiday:

Kung hindi siya nagtrabaho, babayaran siya ng 100 porsiyento ng kanyang sahod para sa nasabing araw, ngunit kinakailangang nagtrabaho o may leave of absence with pay sa araw na sinundan ng regular holiday.  Ang computation ay basic wage x 100 percent.

Kung ang araw na kasunod ng regular holiday ay araw ng  walang trabaho sa establisimyento o ito ay nakatakdang araw ng pahinga ng empleyado, dapat siyang bayaran ng holiday pay kung siya ay nagtrabaho o naka leave of absence with pay sa araw na sinundan ng regular holiday. 

Samantala, sa trabahong ginampanan sa regular holiday, babayaran ang empleyado ng 200 porsiyento para sa unang walong oras ng pagtatrabaho (basic wage x 200 percent).

Para sa overtime, babayaran siya ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita (hourly rate of the basic wage x 200% x 130% x number of hours worked).

Kung nagtrabaho ang empleyado ng regular holiday at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, dapat siyang bayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita ng 200 porsiyento (basic wage x 200 percent x 130 percent).

Para sa pagtatrabaho ng higit sa walong oras sa regular holiday at ito rin ay araw ng kanyang pahinga, siya ay babayaran ng karagdagang 30 porsiyento ng kanyang orasang kita sa nasabing araw (hourly rate of the basic wage x 200 percent x 130 percent x 130 percent x number of hours worked). (DOLE)

About the Author

Kate Shiene Austria

Information Officer III

Information Officer III under the Creative and Production Services Division of the Philippine Information Agency. 

Feedback / Comment

Get in touch