No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

VP-Secretary Sara Z. Duterte, pinangasiwaan ang ika-152 na pagpupulong ng LCC

LUNGSOD NG QUEZON- Pinangasiwaan ni VP-Secretary Sara Z. Duterte, Kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon at Chairperson ng Literacy Coordinating Council (LCC) ang ika-152 pagpupulong ng LCC nitong ika-14 ng Disyembre na siyang isinagawa sa Zoom.

Pangunahing tinalakay sa pagpupulong ang napakahalagang papel na dapat gampanan ng mga lokal na pamahalaan sa pagpuksa sa illiteracy sa kani-kanilang komunidad. Hinimok ni VP Sara at ng mga ahensyang kasapi sa LCC ang mga punong lungsod at munisipalidad na agarang magtatag ng mga local literacy councils na siyang magsisilbing mekanismo sa pagtiyak na maisasagawa ang community literacy mapping, pagtukoy ng mga hindi nakapag-aral o kulang sa kasanayan at kaalaman sa literasiya, at pagbibigay ng karampatang programang pang-edukasyon, bukod sa marami pang iba.

Kasama sa mga dumalo sa pagpupulong sina Senator Sherwin T. Gatchalian ng Committee on Basic Education ng Senado, Congressman Roman T. Romulo ng Committee on Basic Education and Culture ng House of Representatives, President Bert J. Tuga ng Philippine Normal University, Director-General Ramon Cualoping III at Deputy Director-General Karl Louie B. Fajardo ng Philippine Information Agency, Dir. Girlie Grace J. Casimiro-Igtiben ng National Economic and Development Authority, at Prof. Flora C. Arellano ng Education Network Philippines na siyang kinatawan ng mga non-government organizations. Maliban sa mga nabanggit, naanyayahan din na dumalo ang ilan sa mga opisyales, direktor, at puno ng ilang opisina sa Kagawaran ng Edukasyon sa ilalim ng Curriculum and Instruction strand na pinangunahan ni Undersecretary Gina O. Gonong, Assistant Secretary G. H. S. Ambat, at Assistant Secretary Alma Ruby C. Torio.

Ibinihagi rin ni Cong. Romulo na tutukan ang paghahanap ng kaugnayan ng mga pananaliksik na ginagawa ng konseho sa resulta ng mga naisagawang local at international assessment sa literasiya na siyang nagpapakita ng kasalukuyang sitwasyon ng literasiya sa bansa. Dagdag pa ni Sen. Gatchalian, maliban sa pagpapapasa ng mga batas tungkol sa literasiya, mas mainam na tutukan ng konseho ang paglikha ng konkretong paraan upang masugpo ang mabigat na suliranin ng literasiya sa pamamagitan ng pag-mobilize ng mga lokal na pamahalaan na hanapin, turuan, at tulungan ang mga kababayan nating hirap makabasa.

Ilan pa sa tinalakay sa pagpupulong ang may kaugnayan sa pananaliksik, pagbuo ng mga polisiya, adbokasiya, at iba pang mahahalagang paksa tungkol sa pagpapalaganap ng literasiya sa bansa. Ang susunod na pagpupulong ng konseho ay magaganap sa unang quarter ng 2023.

Para sa higit pang impormasyon, pakisuyong makipag-ugnayan sa LCC Secretariat sa pamamagitan ng Facebook page nito, Literacy Coordinating Council, at e-mail sa lcc@deped.gov.ph.(DepEd-LCC)

About the Author

Josephine Babaran

Writer

Central Office

Feedback / Comment

Get in touch