BUTUAN CITY -- Upang makapagbigay ng sapat na manpower at masuportahan ang mga guro sa pagbibigay ng dekalidad na pagtuturo sa mga estudyante, inaprubahan na ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman ang paglikha ng 5,000 non-teaching positions sa iba't-ibang paaralan na pinangangasiwaan ng Department of Education (DepEd) sa buong bansa.
"Under the leadership of our Vice President and concurrent DepEd Secretary Inday Sara Duterte, nag-release po ang DepEd ng roadmap— the MATATAG Agenda. Makikita doon pati ang mga kailangang tugunan natin in terms of buildings, teachers, facilities, etc. Nakalatag po lahat sa kanilang roadmap. So, we just want to be consistent with that," ayon kay Secretary Pangandaman.
Ang 5,000 items ay binubuo ng 3,500 administrative officer (AO) II positions na layong tanggalin sa mga guro ang administrative tasks na sumusuporta sa mga operasyon at 1,500 project development officer (PDO) I positions na tutulong sa mga AO II at iba pang non-teachiing personnel sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga programa, proyekto at aktibidad na pinangungunahan ng mga eskwelahan o mandato ng DepEd Central Office.
Makatatanggap ang mga nasa AO II at PDO I positions ng basic salary na nagkakahalagang P27,000 (SG-11) base sa fourth tranche monthly salary schedule for civilian personnel of the national government.
"Malaking tulong po ito sa ating mga guro na ma-unload sila sa mga administrative work at maka-focus sa pagtuturo sa mga estudyante. By hiring non-teaching staff, our educators will be able to save a lot of time and effort," dagdag pa ng Kalihim.
Ang mga inaprubahang item ay ide-deploy sa mga Schools Division Offices (SDOs) sa mga sumusunod na rehiyon: Cordillera Administrative Region (CAR), Caraga, National Capital Region (NCR), Regions I, II, III, IV-A, IV-B, V, VI, VII, VIII, IX, X, XI, at XII.
Ang kakailanganing pondo naman para sa mga filled positions mula sa mga binuong position items ay kukunin sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund (MPBF) sa ilalim ng FY 2023 General Appropriations Act (GAA), habang ang Retirement and Life Insurance Premium naman ay magmumula sa Automatic Appropriations.
Matatandaang noong 2022 Presidential campaign, nabanggit ng Pangulo na may mga guro na nagsasagawa ng mga gampanin na hindi ayon sa kanilang trabaho na nagreresulta sa pagkapagod at burn-out na nakaka-apekto sa kalidad ng kanilang pagtuturo. Ayon sa Pangulo, ang pagtanggal sa mga guro ng mga non-teaching load ay makatutulong para manatiling mataas ang kalidad ng edukasyon sa mga pampublikong paaralan at mapangalaagan ang kanilang mental health.
“We need to hire more non-teaching personnel who are qualified for the job, yung tinutukoy ko is yung mga sobrang ginagawa ng mga guro na hindi naman dapat sila gumagawa,” ayon kay President Ferdinand R. Marcos Jr.
“We can give teachers more time to prepare their lesson plans. Sometimes, our teachers also serve as the librarian, nurse, we even receive reports that some are also in charge of the canteen,” dagdag pa ng Pangulo. (DBM/PIA-Caraga)