No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Employability’ ng mga Pilipino, mas pinalakas sa panukalang 2024 budget

Siniguro ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah F. Pangandaman na mabibigyang atensyon ang employability ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa panukalang 2024 National Expenditure Program (NEP).

“This prioritization remains the same for the proposed FY 2024 National Budget, now amounting to Php 5.768 trillion, attesting to the current Administration’s resolve to reduce poverty, boost infrastructure, reinforce human capital development, and attain upper middle-income status by 2025,” saad ng Budget Secretary sa isang pagtitipon kasama ang UP School of Economics Program on Development Economics.

Government Internship Program

Sa layuning magbigay ng oportunidad at hikayatin ang kabataan na pumasok sa serbisyo publiko sa pamamagitan ng mga ahensiya ng pamahalaan, mapa-lokal man o na nasyonal, nilikha ng DOLE ang Government Internship Program (GIP).

Target ng programa na suportahan ang 13,554 kabataang manggagawa sa pamamagitan ng alokasyong P807.7 milyon sa FY 2024 NEP, mas mataas ng P100 milyon sa pondo ng programa ngayong taon na  P707.7 milyon.

Ang GIP ay nagbibigay ng tatlo hanggang anim na buwang internship para sa mga nagnanais pumasok sa serbisyo sa national o local government.

Ang mga indibidwal na 18-30 taong gulang na nakapagtapos ng high school, technical-vocational, o kolehiyo, at walang karanasan sa trabaho ay kwalipikado para sa programa.

Special Program for Employment of Students

Makaraang tumanggap ng 72,109 na benepisyaryo ngayong taon, itinaas pa sa P828.9 milyon ang inilaan para sa Special Program for Employment of Students (SPES) ng DOLE na naglalayong suportahan ang 99,983 na kabataang Pilipino sa 2024.

Ang nasabing pondo para sa youth employment-bridging program ng DOLE ay tumaas ng P244.1 milyon kumpara sa FY 2023 GAA budget nito na nagkakahalagang P584.8 milyon.

Ang mga mahihirap ngunit masisigasig na mga mag-aaral at out-of-school youth na nasa edad 15-30 taong gulang ang mga kwalipikado para maging benepisyaryo ng programa.

JobStart Philippines Program

Sa hangarin pa ring mapaangat ang kakayahang makapagtrabaho ng kabataan sa pamamagitan ng pagsasanay, paid internships, at full-cycle employment facilitation services, aabot sa P205.114 milyon ang inilaan sa JobStart Philippines Program sa susunod na taon.

Ang nasabing pondo para sa JobStart program ay tumaas din ng P162 milyon kumpara sa 2023 GAA budget nito na nagkakahalaga ng P43 milyon.

Mula naman sa 1,200 benepisyaryo ngayong taon, 5,676 JobStart trainees ang inaasahang makatatanggap ng allowance para life skills training at technical skills training sa susunod na taon.

Ang kabataang may edad 18-24 taong gulang na kabilang sa Not in Education, Employment, or Training (NEET) at nakatungtong ngunit hindi pa  nakapagtapos ng high school ay kwalipikado para sa programa.

Supporting Innovation in the Philippine Technical and Vocational Education Training System

Samantala, pinaglaanan ng P1.8 bilyon ang Supporting Innovation in the Philippine Technical and Vocational Education Training System (SIPTVETS) ng TESDA, na naglalayong gawing moderno ang technical at vocational education and training system ng bansa.

Pakay ng SIPTVETS na iangat ang antas ng mga pasilidad at kagamitan sa pagsasanay at palakasin ang kakayahan ng mga tagapagsanay upang makapagbahagi rin ng higher-level skills at competencies na kinakailangan sa job markets. (DBM/[PIA-Caraga)

About the Author

Renelle Escuadro

Assistant Regional Head

CARAGA

"Writing is like driving at night in the fog. You can only see as far as your headlights, but you can make the whole trip that way." - E.L. Doctorow

Feedback / Comment

Get in touch