Sa paniniwalang mahalaga na napakikinggan ng gobyerno ang boses ng pinaglilingkurang publiko, binigyang-diin ni Department of Budget and Management Secretary Amenah F. Pangandaman ang adhikain ng gobyerno na palakasin ang pakikilahok ng publiko sa OGPinas nationwide advocacy campaign.
Sa ginanap na OGPinas nationwide advocacy campaign sa Iloilo City, hinikayat ni Secretary Pangandaman ang malawakang partisipasyon ng publiko sa mga aktibidad na may kaugnayan nito.
“Whatever your reason may be for participating, we all have voices in discussions and we will all be heard. Bawat isa po sa atin ay susi sa bukás na kinabukasan,” pahayag ni Secretary Pangandaman sa mga open government champion mula sa Visayas cluster.
"Importanteng napakikinggan ng gobyerno ang pangangailangan ng ating mga pinagsisilbihan," dagdag pa ng kalihim.
Siniguro ng budget secretary, na siya ring chairperson ng Philippines Open Government Partnership (PH-OGP), na dadalhin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang PH-OGP sa lokal na antas kasunod na rin ng pag-apruba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., ng Executive Order No. 31 na nagtatatag ng open government sa lahat ng sangay ng gobyerno.
Sa pamamagitan ng open government, mas paiigtingin ang kakayahan ng publiko na magkaroon ng access sa mga impormasyong kailangan nilang malaman at hahayaan silang lumahok nang malaya sa decision-making process ng pamahalaan.
“Sa pagkakataong ito, makipag-usap, maki-diyalogo, makilahok, at sama-sama nating abutin ang pareho nating mithiin: isang Bagong Pilipinas na may nagniningning na kinabukasan para sa lahat,” ayon kay Pangadaman.
Ibinahagi rin ni Pangandaman ang naging resulta ng 2023 OGP Global Summit na ginanap sa Estonia kung saan kinilala ang Pilipinas bilang nangungunang bansa sa Southeast Asian Region pagdating sa public participation.
Kasama sa pandaigdigang kampanya ng OGP ang 76 national governments, 106 na lokal na hurisdiksyon, at libu-libong CSO. (DBM/PIA-Caraga)