Tinatayang 141,000 kuwalipi kadong estudyante sa kolehiyo ang nakatitiyak na ng libre o subsidized na matrikula makaraang muling aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng karagdagang pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education – Tertiary Education Subsidy (UAQTE-TES) ng Commission on Higher Education (CHED).
Nilagdaan na ni DBM Secretary Amenah F. Pangandaman ang special allotment release order (SARO) na nagkakahalagang P3.84 billion para sa subsidiya.
“Tulad po ng lagi kong sinasabi, our youth are the torchbearers of our future. That is why it’s important that we support them by developing their skills and uplifting their spirits. ‘Yan din po ang marching order ng ating Pangulong Bongbong Marcos dahil alam niya ang kahalagahan ng edukasyon. So, on our part po, we will continue to help democratize access to quality education,” pahayag ni Secretary Pangandaman.
“Malaking bagay po ang free and subsidized tuition fee. Imagine, ‘yung ipapambayad sa matrikula, maaari na lang ilaan ng mga magulang o ng working student sa iba pa nilang pangangailangan araw-araw gaya ng pagkain, pambayad sa kuryente, tubig, o panggastos sa pagpapagamot. This will lighten the burden on their shoulders. DBM will ensure that this program will continue to get the funding it rightfully deserves,” dagdag ng kalihim.
Ang halagang inilabas ay ilalaan para sa mga babayaran ng CHED na iba't ibang Private Higher Education Institutions (PHEIs) sa mga munisipalidad at lungsod na walang state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs)' sa ilalim ng UAQTE-TES para sa Academic Year 2021-2022.
Hanggang noong Disyembre 31, 2022, ang CHED-Higher Education Development Fund (HEDF) ay nasa P10.967 bilyon sa ilalim ng automatic appropriations.
Nauna na ring nagpalabas ang DBM ng halagang P799.098 milyon noong Pebrero 3, 2023 para sa iba't ibang programa at proyekto ng CHED at halagang P1 bilyon para sa pagpapatupad ng Student Monetary Assistance for Recovery and Transition (SMART) program noong Agosto 29 2023. Bunsod nito, ang tinatayang balanse pagkatapos ng release noong Setyembre 29 ay nasa P5.33 bilyon.
Sa pakikipag-ugnayan sa CHED, ang kaukulang Notice of Allocation (NCA) ay maaaring hilingin sa pamamagitan ng pagsusumite ng special budget request, kasama ang kumpleto at pare-parehong mga sumusuportang dokumento.
Ang Republic Act No. 10931, o mas kilala bilang ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act ay “isang batas na nagtataguyod ng universal access sa de-kalidad na edukasyong tersiyaryo sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng matrikula at iba pang bayarin sa paaralan sa mga unibersidad at kolehiyo ng estado, lokal na unibersidad at kolehiyo, at state-run technical-vocational institutions (TVIs), pagtatatag ng tertiary education subsidy (TES) at student loan program, pagpapalakas ng unified student financial assistance system para sa tertiary education.”
Alinsunod sa batas, ang lahat ng estudyanteng Pilipino na mag-e-enroll sa mga kursong tungo sa bachelor's degree sa anumang state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) ay hindi magbabayad ng tuition at iba pang bayarin sa paaralan.
Samantala, ang TES ay isang grant-in-aid program ng gobyerno na sumusuporta sa gastos ng tertiary education ng mga estudyanteng Pilipino na nag-enroll sa kanilang unang undergraduate-post-secondary program sa SUCs, LUCs, private HEIs, at TVIs. Ito ay isa sa mga pangunahing bahagi ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
“Creating a progressive change in our society can only be achieved if we start to believe in the capabilities of these young people,” ayon kay Pangandaman. (DBM/PIA-Caraga)