Bilang bahagi ng digital initiative ng Department of Budget and Management, sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Mina F. Pangandaman, nakilahok ang mga senior officials ng DBM sa Benchmarking Study Visit on Digital Transformation, isang 5-araw na training course na pinangasiwaan ng University of Adelaide, Australia.
Nakipag-ugnayan ang Australian Department of Foreign Affairs and Trade’s Australia Awards and Alumni Engagement Program - Philippines sa University upang tulungan ang mga ahensya ng gobyerno ng Pilipinas na magdevelop at mag-implement ng digital transformation strategies.
Kabilang sa delegasyon sina DBM Functional Group Head ng Information and Communications Technology Group at Chief Information Officer Undersecretary Maria Francesca Montes-del Rosario; DBM Functional Group Head ng Local Government and Regional Operations Group at Concurrent FGH ng Organization and Systems Improvement Group Undersecretary Wilford Will Wong; DBM organization, Position Classification and Compensation Bureau Director Gerald Janda, at iba pang mga kinatawan at opisyal ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Pinangunahan ni Civil Service Commission Chairperson Karlo Alexei Nograles ang Philippine delegation sa nabanggit na aktibidad, kung saan sila ay mainit na tinanggap ng Philippine Ambassador to Australia na si Ma. Hellen De La Vega.
Bumisita ang delegasyon sa Adelaide mula Enero 14 hanggang 17, at sa Canberra mula Enero 17 hanggang 19, upang dumalo sa nasabing kurso.
Ang paglahok sa pag-aaral ay bahagi ng layunin ng DBM na palakasin pa ang digitalization ng public financial management ng bansa.
“Technological advancement has given rise to a growing digital economy which continues to create new forms of work, transforming the employment landscape. Hence, investing in the digitalization of the bureaucracy is crucial not only in enhancing its efficiency but also in generating quality jobs for Filipinos”, pahayag ni Secretary Pangandaman.
Ang DBM, sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ay naglalayong gumawa ng malaking hakbang tungo sa isang digitally transformed na bansa. Isa sa mga pangunahing repormang pang-transpormasyon, na nakatugma sa pangarap na Bagong Pilipinas ng Pangulo, ay ang pagpapatupad ng digitalization sa buong proseso ng public financial management, na naglalayong mapabuti ang efficiency, accountability, at transparency sa paggamit ng pondo ng publiko.
Ang DBM ay nagbalangkas din ng 2022-2026 digital transformation roadmap upang magtaguyod ng pangmatagalang paglago sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kahusayan, transparency, at accountability sa buong burokrasya.
Kabilang sa mga patuloy na revolutionary digitalization projects ng DBM ay ang robotics process automation, application programming interface, at ang Budget & Treasury Management System (BTMS) na mga pangunahing bahagi ng Integrated Financial Management Information System (IFMIS). (DBM/PIA-Caraga)