Maraming salamat sa ating butihing Secretary Anton Lagdameo. [Please take your seats.]
Ang Tagapagsalita ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas, Ferdinand Martin Romualdez; The Papal Nuncio, Charles John Brown, and all their Excellencies, the members of the Diplomatic Corps; Tagapangulo ng NHCP, Dr. Rene Escalante; ang mga nanunungkulang opisyal ng Kagawaran ng Tanggulang Pambansa, Jose Faustino Jr.; Puno ng Kalupunan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas, ang ating Chief of Staff Lieutenant General Bartolome Vicente Bacarro; ang Punong Lungsod ng Taguig, Mayor Maria Laarni Cayetano; ang mga kagalang-galang na panauhin; mga kasama kong mga lingkod-bayan; mga binibini at ginoo, magandang umaga po sa inyong lahat.
Isang malaking karangalan ang makapiling kayong lahat sa pagdiriwang ng Araw ng mga Bayani.
Panatag nating naitataguyod ang ating sarili at ang ating bansa ngayon dahil sa mga dakilang bayani ng ating bayan.
Kaya sa pagtitipong ito, buong lugod nating kinikilala ang ipinamalas nilang tapang, malasakit, at pag-ibig sa ating tinubuang lupa.
Ginugunita din natin nang taimtim ang pawis, dugo, at buhay na kanilang inialay para sa ating kapakanan, kalayaan, at kinabukasan. Dahil sa kanilang sakripisyo, gumaan ang mga suliraning pinapasan natin sa buhay at sa lipunan.
Inialay nila ang kanilang lakas at kakayahan, hindi para sa papuri o gantimpala, kung hindi upang pagtibayin ang diwa ng pagkakaisa at upang makamit ang ating mga pangarap para sa bayan.
Sa araw na ito, pinararangalan natin ang ating mga makabagong bayani ng ating panahon. Dahil sa kanilang malasakit at kabutihang-loob, naging mas mabuti ang kalagayan ng ating bansa ngayon.
Kinikilala natin ang ating mga magsasaka, mga agricultural workers, na buong-araw ay nagsisikap upang tugunan ang ating mga pangangailangan para sa seguridad ng supply ng pagkain. Kung hindi dahil sa kanila, wala tayong pagkaing maihahain sa ating mga pamilya. Tunay silang mga bayani kailan man.
Pinasasalamatan din natin ang ating mga sektor ng kalakalan at industriya na nangunguna sa landas tungo sa maunlad na ekonomiya. May mga hamon man tayong kinaharap sa nagdaang dalawang taon, patuloy pa rin nilang binuksan ang kanilang mga negosyo para sa publiko. Kahanga-hanga rin ang kanilang pakikiisa sa ating pamahalaan, lalo na yaong mga negosyong matapat na nagbabayad ng kanilang empleyado kahit na nauubusan na ang kanilang pondo.
Bukod dito, ikinararangal din natin ang lahat ng mga manggagawang Pilipino na nagtatrabaho nang buong husay at buong dangal. Sa bawat likha ng kanilang mga kamay, mas lalo nilang pinagtitibay ang pundasyon ng ating ekonomiya at ang ating lipunan.
Ngayon naman na nagbalik na sa paaralan ang ating mga kabataan, papurihan din natin ang ating mga guro at iba pang kawani sa sektor ng edukasyon dahil sa kanilang hindi-matatawarang dedikasyon. Sa kanilang pagtutulungan na maging ligtas ang pagbubukas ng klase, panatag ang ating kaloobang nasa mabubuting kamay ang ating mga kabataan.
Hindi rin natin kinakalimutan ang mga propesyunal at mga manggagawa sa sektor ng kalusugan na araw-araw ay nakikipagsapalaran sa panganib na kalakip ng kanilang sinumpaang tungkulin. Kanilang isinasaalang-alang ang sariling kaligtasan at kalusugan, malagpasan lamang ng ating mga kababayan ang pandemyang kinahaharap natin ngayon.
Kabilang din sa ating mga frontliners ang ating kapulisan, ang mga sundalo, ang mga barangay officials man, community leaders, pati na rin ang mga ecological warriors at iba pang sektor na, sa kani-kanilang paraan at mga tungkulin, ay patuloy na naglilingkod sa bayan at sa mga kapwa mamamayan.
Hindi rin natin kinakalimutan ang ating mga manggagawang mandarayuhan o mas kilala natin sa tawag na OFW — silang lahat na nagsasakripisyo sa ibayong dagat, mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang mga mahal sa buhay.
Sa kabila ng mga pagsubok na kanilang hinaharap, sinisiguro natin na sila ay ligtas, lalo na ang mga naiipit sa mga kaguluhan sa bansang kanilang kinaroroonan.
Sa ating pagdiriwang ngayon, inaalala rin natin ang kabayanihan ng mga beteranong nakipaglaban noong panahon ng digmaan.
Makakaasa kayo na ang pamahalaang ito ay mananatiling aktibo sa pagsusulong ng mga programang tutugon sa inyong mga pangangailangan, lalo na para sa kanilang mga rekisitong pangkalusugan.
Kaisa ng Philippine Veterans Affairs Office, magpapatayo tayo ng mga ospital sa Visayas at Mindanao na ilalaan natin para sa ating mga beterano. [applause]
Nais ko ring kunin ang pagkakataon na ito upang magpaalala sa lahat na sumunod na sa direktiba ng pamahalaan hinggil sa ating kalusugan. Inaanyayahan ko ang lahat ng mga maaaring magpabakuna na makiisa sa ating mga vaccination programs upang mapangalagaan ang kalusugan hindi lamang ng ating sarili, kung hindi ang ating mga kapwa.
Ito ang panahon upang pagtibayin ang ating lakas at maghanda sa mabilis at siguradong pagbangon ng ating ekonomiya. Manalig tayong sisikat at sasapit din ang mas ligtas at mas masaganang kinabukasan para sa ating lahat.
Ipinamalas sa atin ng kasaysayan na ang ating kolektibong lakas ang maghahatid sa atin sa rurok ng tagumpay.
Ang mga bayaning nag-alay ng sarili para sa atin ang huwarang patotoo sa pangako ng pag-asa na ating pinanghahawakan.
Kaya naman, dapat lamang nating pahalagahan nang wasto ang ating kalayaan at ibaling ang ating mga kinikilos nang ayon sa pag-ibig at pagmamalasakit sa kapwa.
Habang ang makabagong panahon ay nagbibigay sa atin ng mga pagbabagong kailangang harapin, tiyak na malalampasan natin ang kahit na anong pagsubok kung magiging bayani tayo sa ating sariling mga pamamaraan.
Gamitin natin ang ating kakayahan upang panibaguhin ang ating kapaligiran para sa higit na ikabubuti ng lahat.
Huwag nawa natin ikulong ang ating mga sarili sa hidwaan at paghihilahan pababa. Sa halip, maging instrumento tayo ng pagkakaisa, ng kapayapaan.
Umaasa ako na sa halimbawa ng ating mga dakilang bayani, higit nating isasabuhay ang kanilang ipinakitang pag-ibig sa bayan, at ipinagtatanggol at ipinaglalaban nilang panata sa kabutihan.
Buong tapang nawa nating harapin ang anumang hamon sa hinaharap nang may tiwalang tayo ay higit na lalakas at magiging matagumpay kung tayo ay patuloy na magkakaisa at magtutulungan bilang isang bansa.
Maraming salamat po sa inyong lahat.
Mabuhay ang mga Pilipinong bayani, noon, ngayon at kailan pa man! [applause]
— END —
Watch here: National Heroes Day Speech
Location: The Libingan ng mga Bayani, Fort Bonifacio in Taguig City