Maraming, maraming salamat. Masarap talagang umuwi dito sa Caloocan at marami akong kaibigan dito. Salamat po.
Maraming salamat kay Secretary Jimmy Bautista sa kanyang pagpakilala. [Please take your seat.]
Ang ating House Speaker, Speaker Martin Romualdez; ang namumuno ng National Historical Commission Chairman Rene Escalante; the members of the Diplomatic Corps, their Excellencies; members of the Senate who are here with us today; Caloocan Representative Oca Malapitan; the Armed Forces Chief of Staff Lieutenant General Bacarro; the PNP Police Chief General Jun Azurin; Philippine Coast Guard Commandant Admiral Abu; officials and employees of Caloocan led by Mayor Dale Gonzalo G. Malapitan; at ang aking mga kasama sa serbisyo publiko; ladies and gentlemen, magandang umaga po sa inyong lahat.
Kaisa ako ng buong sambayanang Pilipino sa pagdiriwang ng ika-sandaan at limampu’t siyam na anibersaryo ng kapanganakan ng Ama ng Katipunan na si Gat Andres Bonifacio.
Pinapasalamatan ko ang lokal na pamahalaan ng Caloocan sa pangunguna ng espesyal na okasyong ito. Nawa’y patuloy na pamunuan ng mga magigiting at mapagmahal na mamamayan ng Caloocan ang mga bantayog at mga lugar
na bahagi ng kasaysayan ng ating bayan.
Ang pagsariwa sa ala-ala ni Gat Andres at ng iba pang mga bayani ay mahalaga upang pagyamanin natin ang ating pagpapahalaga at pang-unawa sa ating kasaysayan, na siyang nagsisilbing gabay tungo sa mas magandang kinabukasan.
Ipinagdiriwang natin ang araw na ito upang gunitain ang mga kontribusyon ni Andres Bonifacio sa paghubog sa ating pagkakakilanlan bilang mga Pilipino.
Ang kanyang pangalan ay mananatiling naka-ukit sa ating kasaysayan kailanman, hindi lamang dahil sa kanyang pamumuno sa rebolusyon kundi sa kanyang ‘di matatawarang tapang at pagmamahal sa bayan.
Sa pamamagitan ng kaniyang makatuwirang paninindigan at ipinaglalaban, hinarap niya ang mga dayuhang mananakop na siyang nagpahirap para sa ating mamamayan nang mahigit tatlong-daang taon.
Tunay na katangi-tangi ang ipinamalas niyang katapangan — isang uri ng tapang na hindi sumusuko kahit sa gitna ng panganib, matiyak lamang ang interes ng bayan at ng bawat mamamayang Pilipino.
Kaya’t hinihikayat ko ang aking mga kapwa Pilipino na patuloy na parangalan si Bonifacio at ang lahat ng mga bayaning Pilipino, kilala man o hindi, na nag-alay ng kanilang buhay upang matiyak ang kalayaan at pagkakakilanlan na siyang ipinagmamalaki natin ngayon.
Bilang mga tagapagmana ng kalayaang kanilang ipinaglaban, tungkulin natin bilang mga Pilipino na panatilihing buhay ang diwa ng kanilang mga layunin at siguruhing mapayapa, malaya, at masagana ang ating sambayanan.
Kaya naman sikapin natin na maging pinaka-mahusay na uri ng ating mga sarili; na maging Pilipino na ang katapatan at pagmamahal sa bayan ay kapares ng ating mga bayaning tulad ni Gat Andres.
Magagawa po natin ito sapagkat katuwang natin ang ating mga makabagong bayani—ang ating mga doktor, mga nars, mga sundalo, mga pulis, OFWs, at ang bawat Juan at Juana—na buong pusong naglilingkod para sa kapwa.
Pinapakita nila na ang bawat isa sa atin ay may angking kakayahan na makagawa ng kabutihan sa ating lipunan at pamayanan.
Ito ay isa sa mahahalagang pamanang iniwan ni Gat Andres sa atin—na ang bawat isa ay maaaring maging bayani sa ating sariling pamamaraan.
Habang patuloy tayong nakikibaka sa mga hamon ng modernong panahon, nawa’y maging halimbawa si Bonifacio at ang ating mga bayani, noon at ngayon, upang mag-tagumpay tayo sa ating mga hangarin.
Sama-sama nating harapin ang mga hamon ng panahon ngayon ng may pagmamahal sa bayan, determinasyon, tapang, [at] karangalan upang maitaguyod natin ang isang Pilipinas na tunay na nais natin ipagmalaki.
Mabuhay si Gat Andres Bonifacio! Mabuhay ang lahing Pilipino! Magandang umaga po sa inyong lahat at marami pong salamat.
XXXX
Panoorin: Pagdiriwang ng Ika-159 na Anibersaryo ng Kapanganakan ni Gat Andres Bonifacio
Location: Andres Bonifacio Monument, Caloocan City