Maraming salamat.
Dapat pala in-import kayo namin sa rally ang lalakas ng boses ninyo. [cheers] Magsi-upo po tayo.
Maraming salamat sa ating Foreign Affairs Secretary, Secretary Ricky Manalo. Nandito rin po at sinama po natin dito sa biyaheng ito ang Speaker, ang Speaker ng House of Representatives, Speaker Martin Romualdez; batiin ko rin ang ating Ambassador mula sa Pilipinas sa Malaysia Ambassador Charles Jose; kasama po ng delegasyon po namin ay ang ating iba’t ibang economic manager nandito po kasama natin ngayong gabi ay ang Department of Finance Secretary, Secretary Ben Diokno; nandito rin po ang aming Communications Secretary na si Cheloy Garafil; nandito na pala si Trade and Industry Secretary dahil marami po kaming gagawin at kausap para makakuha ng investment ay nandito po sinama po natin ang Secretary of the Department of Trade and Investment Secretary Fred Pascual; kasama din po natin ay sila po ay tumutulong mula sa Senado, sila po ang nagre-represent ngayon ng Senado nandito po si Senator Mark Villar at si Senator JV Ejercito; at siyempre hindi natin makukumpleto ang ating pagbati at pagpapakilala kung hindi ko ipapakilala ang ating napakaganda na First Lady [cheers] Liza Araneta-Marcos.
Wala naman – kumpleto na. Kayo talaga kanina pagpasok ko dito sa lobby may iba sa inyo na nandoon sigaw nang sigaw, “Oh, welcome! Welcome!” Sige nakipagkamayan ako. Paglampas ko na ganoon may narinig ako, sabi ko mas malakas ‘yung welcome doon sa likod. [laughter] “Welcome Sandro!”
Sabi ko ito na naman kami. Akala ko tapos na ‘yung eleksyon, tapos na ‘yung kampanya. Anyway, sinama ko po at nandito po ang ating Congressman ng First District ng Ilocos Norte Sandro Marcos. [cheers]
Medyo ano disimulado pa kayo dahil doon sa rally may mga humahawak ng placard, “Anakan mo ako Sandro!”[cheers] Biruin mo nandoon kami sa publiko, nandoon may hawak na ganoon. Panay speech ko seryosong-seryoso ‘yung speech ko ‘pag nakikita ko hindi ko mapigilan ‘yung tawa ko, nasisira ‘yung mood.
Ay nako, napakasaya talagang makasama basta Filipino community. Kaya nagpapasalamat naman ako na napaunlakan ninyo ang aming imbitasyon sa ating pagsama-sama dito sa ating ginagawa na Filipino community.
Kalalapag lang po namin dito sa Kuala Lumpur kaninang bandang alas-singko ng hapon, at siyempre, siniguro ko na bago ang lahat ay nais ko sanang makita kayo at makumusta rito bago magsimula ang opisyal na bisita dito sa KL, dito sa Kuala Lumpur.
Nandito po kami para maging panauhin po ng Hari ng Malaysia na kaibigan po ng marami sa amin at siya’y matagal ng kaibigan at ang kanilang pamilya, the Royal Family of – the present Agong has been friends of the Philippines for a very long time.
Pupunta rin kami sa Johor para makipag… [cheers] O magkita tayo doon day after tomorrow dahil bibista rin kami doon sa Sultan at para naman makilala dahil siya yata ‘yung susunod na hari para magpakilala na at baka masimulan na ang usapin na gagawin namin kapag siya’y naging hari na. [applause]
Kaya’t ‘yun at hindi lamang sa kanila, kundi makikipagkita tayo sa mga opisyal ng gobyerno, mga business leader ng Malaysia para tingnan natin kung papaano natin patibayin ang relasyon ng ating dalawang bansa.
Alam ko na marami sa inyo ay nanggaling pa sa malalayo at nabanggit nga ‘yun dito sa KL pero may Johor, may Penang, Sandakan, Kota Kinabalu. Malayo-layo ‘yun kaya napakapalad namin na kayo’y nakarating dito sa ating kaunting samahan na aming ginawa.
Alam niyo po dahil ginagawa po namin ito dahil sinasabi ko ay isang pasasalamat ito dahil kailangan ko magpasalamat sa inyo na mga OFW, na mga nasa iba’t ibang bansa dahil po sa suporta na binigay ninyo sa amin ni Inday Sara. [applause]
Kaya naman po ay hindi po namin makakalimutan ‘yun at napakalaking bagay po na maramdaman na umaasa ang tao sa iyong kakayahan at binibigyan ng tiwala ang iyong paghawak ng matataas na posisyon.
Kaya’t bilang pasasalamat, sabi namin ay tinulungan tayo nang mabuti ng itong ating mga OFW, lahat ng ating mga foreign nationals, Filipino nationals na nasa abroad. Pero hindi sila nakasama sa kampanya, kaya’t gumawa kami ng kaunting – para matikman naman ninyo kung paano naging ‘yung kampanya. Wala lang ulan at saka walang putik pero besides that, ginaya namin kung ano ‘yung ginagawa namin.
Kaya’t ito po ang aming kaunting palabas, pampasaya para naman magpasalamat sa inyo sa inyong naging tulong, inyong naging suporta, at inyong walang sawa na pagmamahal sa aming lahat na inyong tinulungan noong nakaraang halalan. [cheers and applause]
Alam niyo po hindi… Iyon ang aming naririnig kahit na galing sa ibang bansa, naririnig namin ‘yung boses ninyo na BBM. Kaya’t talaga namang nakakataba po ng puso na maramdaman ang init ng inyong pag-alala sa amin.
At ito po, kahapon lamang ay natapos kami doon sa tinatawag nating SONA, ‘yung State of the Nation Address kung saan kinausap ko ang ating mga opisyal, ang ating mga kababayan at inilatag ko kung ano ba ‘yung mga nagawa natin, ano ba ‘yung kailangan pang gawin, at ano ang plano, at papaano natin makakamtan ‘yung mga iba’t ibang pangarap natin para sa ating minamahal na Pilipinas.
At ‘yun po ay kasama po doon sa report na ‘yun ay ‘yung mga nakukuha po nating investment na galing sa iba’t ibang bansa dahil hindi po tayo… Noong pagkatapos ng pandemya ay pinapatibay nga namin ang ekonomiya ay sabi namin kung sa Pilipinas lang doon lang tayo maghahanap ng investor, baka kulang. Kailangan natin ng malaking-malaking investment kaya’t nag-iikot po kami sa buong mundo at ipinapaalam natin sa lahat ng ating mga kaibigan at sa lahat ng ating mga magiging kaibigan na nandiyan na ang Pilipinas, na maayos na ang takbo ng Pilipinas, handa na tayo para sila ay mag-invest sa iba’t ibang bagay.
Ang inuuna po natin ay ‘yung sa agrikultura dahil siguro naman alam ninyo, palagay ko naramdaman din dito sa Malaysia, hindi gaano, hindi kagaya sa Pilipinas, ngunit naramdaman din ninyo na mayroon pa ring problema, mataas pa rin ang bilihin.
So, agrikultura ang una naming tinugunan upang ‘yung produksyon natin ay gumanda at sa pagpaganda ng produksyon, bababa ang presyo ng bilihin at sa ganoon, mababawasan natin ‘yung pagtaas ng lahat ng bilihin.
So, iyon ang mga inuuna nating investment, iyong mga hinihingi ng mga negosyante, na ‘yung kuryente natin kailangan mas malaki ang supply at hindi masyadong mahal. So, ganoon din.
Ang ginagamit natin para pagkuhanan ng mga iba’t ibang investment ay ‘yung ating mga kaibigan na handa namang tumulong sa Pilipinas. At ang Pilipinas ngayon ay may naayos na tayo sa sistema.
Sa tingin naman ng mga potential investor mukha namang para sa kanila ay nagagandahan naman sila sa sitwasyon sa Pilipinas. Kaya’t ito po isa na ito na ating pag-iikot upang siyempre kailangan nating patibayin ang relasyon ng Pilipinas at saka ng Malaysia. Unang-una dahil napakaraming Pilipino rito. At kailangan nating tiyakin na lahat kayo ay naaalagaan at lahat kayo ay maayos ang kabuhayan at nabibigyan ng mga pagkakataon.
Kung bakit kayo lumipat at umalis sa Pilipinas ay para nga dito sa mga opportunities na nakikita ninyo rito. Ngunit kailangan naming tiyakin na ‘yang mga opportunities na ‘yan ay nandiyan pa rin at habang kayo’y nagtatrabaho dito ay hindi naman kayo nahihirapan. At kung mayroon mang problema ay nandito ang pamahalaan upang tiyakin na lahat nga ng maaari naming gawin ay nagagawa namin upang tumulong.
Kaya’t ‘yun ang unang dahilan. Dahil sa dami ng Pilipino na nasa abroad na ay kahit saan tayo pumunta ay may makikita kang Pilipino. Kaya’t nakakalat na talaga ang Pilipino.
At dadagdagan ko pa, isa pang pasasalamat sa inyong lahat dahil po mula noong ako’y umupo, marami na akong nakilala na mga lider, mga prime minister, mga presidente, mga hari. Bawat isa, wala pang mintis ito, bawat isa ay lumalapit sa akin at nagsasabi, “Ah sa Pilipinas ka? Nako ang gagaling ng mga Pilipino. Ang sisipag, maaasahan at mahal na mahal namin ‘yang mga Pilipino. Can we have more Filipinos?” [applause and cheers]
Kaya naman kailangan talaga kayong pasalamatan dahil ang naging reputasyon ng Pilipinas ay gumanda nang gumanda dahil sa performance na ginawa ninyo at inyong ipinapakita sa mga tiga-rito, sa mga tiga-Malaysia, kung saan man, mga tiga-Middle East, kung saan sila, tiga-Europe, sa Amerika.
Pare-pareho, lahat-lahat ay sinasabi ang galing ng mga Pilipino. Hindi kasing ginhawa ‘yung buhay namin kung wala ‘yung Pilipinong tumutulong sa amin. Marami kami nakikitang Pilipino na sumisikat dahil ang sisipag, ang huhusay, ang gagaling, honest, maaasahan. [applause]
Kaya’t kung akala ninyo na ang inyong pagtrabaho rito ay para sa pamilya niyo lang o para sa barangay niyo lang, ‘wag niyo pong isipin ‘yun dahil ang inyong ginagawa ay ipinapakita ang pinakamagandang ugali ng Pilipino at ipinapakita ninyo sa buong mundo. Kaya’t ang tingin ng mundo sa Pilipino napakataas ng tingin ng buong mundo sa Pilipinas dahil sa inyo [applause], dahil sa inyong ginawa dito sa inyong tinitirhan.
Kaya po hindi po namin magagawa na pumunta kami rito at hindi kayo makumusta at hindi gumawa ng kaunting programa na ganito. Kahit na iilan lang tayo at marami sigurong sana – hindi nakadalaw dahil sa trabaho or kung anuman, malayo masyado ay at least mayroon tayong naging pagkakataon na tayo’y nagsama, tayo’y nagsaya, at tayo’y nag-celebrate doon nga sa ating pagbabago ng Pilipinas at sa pagdating – kagaya po ng aking sinabi kahapon: dumating na po ang Bagong Pilipinas.
Maraming salamat po at magandang hapon. Magandang gabi na. Magandang gabi sa inyong lahat. Mabuhay ang Pilipinas. Mabuhay kayong lahat. [applause]
— END —
Watch here: Meeting with the Filipino Community
Location: Kuala Lumpur, Malaysia