Muli ring hinimok ni Castriciones ang mga magsasaka na maging miyembro ng kooperatiba at mga ARBOs upang mapakinabangan ang mga programa at serbisyo ng DAR, kasama na ang mga tulong pinansyal na layuning mapalakas ang agrikultura sa bansa at matulungan ang mga magsasaka na mapalago ang kanilang sakahan at mapaunlad ang kanilang pamumuhay.
Isa rin ang Dororian Farmers Producers and Livelihood Association (DOFAPLA) sa Catanduanes an tumanggap ng motorsiklo para sa mga magsasakang miyembro nito.
Para kay Mario Dio, magsasaka mula Catanduanes, naging mas madali ang pagbenta ng kanilang mga produkto dahil sa ayudang bigay ng DAR.
“Napakalaking halaga nito, katulad nitong tricycle, malaking tulong ito sa aming asosasyon kasi yung aming produckto ay madali nang mailalabas sa pamilihan,” pahayag ni Dio.
Bahagi rin ng tulong ang pag-ugnay sa mga magsasaka at mga ahensya ng pamahalaan upang mapadali ang pagbenta ng kanilang mga produkto, kasama na rito ang P1.4 million worth Enhanced Partnership against Hunger and Poverty ng National Nutrition Council.
“Dito sa 1st project with NNC, pumapatak almost P1.4 million sa akin lang sa 1st District. Ako ang pumasok na consolidator from Sto Domingo, Bacacay, Malilipot, Tabaco, Malinao at Tiwi,” ani Cesar Baron, pangulo ng Vinicasan Irrigators Association mula Bacacay Albay.
Ani Baron, sobra sa 2,000 magsasaka sa 1st District ng Albay ang matutulungan ng proyektong ito.
Dagdag panawagan niya sa kanyang kapwa magsasaka na makiayon na rin sa mga kooperatiba ng magsasaka upang mapakinabangan ang mga tulong na binibigay ng pamahalaan tulad ng libreng pagsasanay at mga kagamitan upang mas mapalago ang kanilang ani at mas madagdagan pa ang kanilang kita. (SAA/PIA5/Albay)