No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Kamay ni Nanay

Kamay ni Nanay

Sa  ating katawan, ang kamay ang isa sa pinaka-importanteng bahagi. Magagawa mo kasi ng mahusay ang mga gawain kung kumpleto at maayos ang dalawa mong kamay. Pero papaano kung ang isa ay hindi normal, makakaya mo pa kaya?

Sa Livelihood Training on  Food Processing by  Sugar Concentration sa  Barangay Sicsican, Puerto Princesa City noong August 23-27,2021 para sa mahigit 20  mga solo parent, daycare worker, indigent at persons with disability (PWD), isang ginang ang agaw pansin. Siya si Nanay Liza Delos Santos, 48,may tatlong anak at isinilang na maliit ang kaliwang kamay.

Sa proyektong ito ng City Public Employment Service Office (PESO) katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at ang pamunuan ng Barangay Sicsican kabilang sa itinuro sa kanila  ang longganisa at tocino making, paggawa ng salted egg maging ang paggawa ng fruit jam, jelly at marmalade.

Si Nanay Liza Delos Santos, isa sa mga benepisyaryo ng Livelihood training on food processing by sugar concentration sa Barangay Sicsican, Puerto Princesa City noong August 23-27,2021.(Kuhang larawan ni Mike Escote, PIA-Palawan)

Sa kabuuan ng pagsasanay, hindi mo aakalaing may kapansanan pala si Nanay Liza dahil anumang gawain ng may mga normal na kamay ay kayang-kaya niya rin itong gawin.  

Sa katunayan, hindi nga siya nahirapan sa paghiwa ng mangga na ginawa nilang mango jam at mango jelly.Sa kanang kamay hawak niya ang hinog na mangga habang ipit-ipit ng maliit na kaliwang kamay ang isang punyal.

“Sa tingin niyo po talagang nahihirapan ako, kasi hindi kayo ang gumagawa, ang kumikilos pero para sa akin, wala lang, parang normal lang po” ang sagot sa akin ni Nanay Liza ng tanungin ko siya kung nahihirapan pa siya sa kaniyang ginagawa.

Ipinakita niya rin  ang video habang dinadaing niya ang isang bangus na may katamtaman ang laki para gawing Boneless bangus lamayo. Nakakakaba ang naturang tagpo dahil  idinidiin niya sa isda ang kaniyang kaliwang kamay, hindi alintana ang mga tinik nito.

Ngunit bigla na lang  napaluha si Nanay Liza sa gitna ng panayam, animo’y isang punyal ang tumarak sa kaniyang dibdib. Umagos ang tubig sa mukha ng maalala ang mga tinik sa buhay na kaniyang nararanasan. Kwento niya, hindi kasi sapat ang P7500 kada buwan na sustento ng kaniyang mister na nakita na rin ng ibang mapagkakanlungan.

Dahil dito, kumukuha rin siya ng labada sa kanilang mga kabarangay para kahit papaano, ang P500 na kita sa paglalaba ay makadagdag sa kanilang pang-araw-araw na gastusin.Idagdag pa aniya rito ang pangungutya  sa kaniya ng mga taong tila ginagawang katatawanan ang kaniyang kapansanan. Pero magsisikap raw siya ng husto para sa kaniyang mga anak kahit mag-isa lang siyang nag-aaruga sa mga ito at may kapansanan man.

At ang mga natutunan niya sa pagsasanay na ito ang kaniyang magiging bagong simula at sandata.

“‘Malaking tulong magkaroon lang ng puhunan, sa 1 kilo na giniling na karne  panggawa ng tocino o skinless longganisa, malaki na ang kikitain” saad pa niya.

Mukhang wala na ring magiging problema si  Nanay Liza dahil nangako si Barangay Kagawad at Barangay PESO Coordinator  Jonie V. Lim, na gagawa siya ng paraan para mailapit sa mga kinauukulan ang mga katulad ni Nanay Liza para mabigyan ng puhunan at mapagsimula ng maliit na negosyo para may pagkakakitaan.Habang umaasa naman si Emelyn Bunos ng TESDA PPSAT, ang nagsilbing trainer ni Nanay Liza  na magiging matagumpay ang kaniyang mga naging mag-aaral.

Ito rin ang ninanais ni Nanay Liza, dahil ayon sa kaniya, ang kaniyang  kaliwang kamay  ay hindi magiging hadlang para maging maginhawa sa buhay, bagkus ito ang kaniyang gagamiting pang-abot sa matagal na niyang  inaasam-asam na tagumpay.

Tunay ngang may kakaiba kay Nanay Liza dahil sa panahon ngayon pareho mang normal ang ating mga kamay, kung wala naman tayong determinasyong magsikap tulad ni Nanay Liza, malabo rin nating makamtam ang ating mga pangarap. (MCE/PIA-MIMAROPA)





About the Author

Michael Escote

Writer

Region 4B

Feedback / Comment

Get in touch