QUEZON CITY, (PIA) – Bilang pagprotekta sa mga bata laban sa panganib online, nagsama sama ang iba’t ibang organisasyon at pribadong sektor upang pag-usapan ang karapatan ng mga bata sa paggamit ng internet.
“Ayon sa Philippine Kids Online Survey, 90% ng mga batang Pilipino ay kumokonek sa internet habang 59% sa kanila ay gumagamit nito ng walang sumusubaybay,” sinabi ni UNICEF-Philippines Corporate Alliance Officer Georgina Belardo sa “Ako Para sa Bata” virtual conference noong Nobyembre 18.
Ibinahagi ng UNICEF ang dapat gawin upang maprotektahan ang mga karapatan ng mga bata online.
“Kailangan gabayan at turuan ang mga bata tungkol sa impormasyon na naangkop ilabas sa internet," ani ni Belardo.
Dinagdag ni Belardo na kailangan maprotektahan ang mga bata mula sa mapanganib na bagay sa internet, tulad ng kabastusan, karahasan, at kasinungalingan.
“Kailangan may mga batas ang mga business at private sector companies para protektahan ang mga bata sa mga ito,” aniya.
Pinaalalahanan din ni Belardo ang lahat na kailangang maprotektahan ang mga bata sa harassment, bullying, at iba pang pang-aabuso sa internet.
“At panghuli, kailangan maprotektahan ang mga bata sa mga advertising na makakaapekto sa kaniyang physical at mental health,” aniya.
Sa pangunguna ng Child Protection Network Foundation, ipinakita na mahalaga rin alamin ang responsibilidad ng pribadong sector gaya ng social media companies at internet service companies bilang importanteng stakeholders sa pagprotekta ng mga bata sa digital space.
Binigyan-diin din sa conference na ito na lahat tayo ay may iba’t ibang tungkulin at kontribusyon sa pagprotekta sa mga bata sa kanilang paggamit ng internet. (ARR/PIA-IDPD)