Isa sa mga produkto na gawa sa kawayan ay ang alkansiya na inukit at nilikha ng mga kamay ng residente ng Gloria. (larawan kuha ng Gloria Tourism)
Buong pagmamalaking isinusulong ng pamahalaang bayan ng Gloria at ng tanggapan ng turismo ang mga produktong gawa sa kawayan alinsunod sa programa ng pamahalaang nasyunal na One Town One Product (OTOP) sa bawat bayan sa buong bansa.
Sa bayan ng Gloria na tinaguriang 'Home of Kawayan festival,' makikita ang iba’t-ibang anyo ng mga produktong kawayan tulad ng lamparang de kuryente, ilaw na nakabitin (chandelier), plorera sa pader, alkansiya, upuan, lamesa, kama, tropeyo at marami pang iba ay lokal na produktong ginawa sa pamamagitan ng masisining na kamay ng mga Gloriano.
Sinabi ni Mayor German Rodegerio, “kayo ay aming inaanyayahan na pumunta sa aming bayan at makita ninyo ang mga produkto na aming ipinagmamalaki tulad ng mga kawayan na na inukit at hinubog ng aking mga kababayan na maari ninyong gamitin sa bahay o ipangregalo.”
Isang wall vase naman ang isa sa mga magagandang produkto na mabibili sa murang halaga sa tindahan ng One Town One Product sa lugar nito sa pamilihang bayan. (larawan kuha ng Gloria Tourism Office)
Bukod anya sa mga kawayan ay mayroon din silang produkto na gawa sa mga paso, eco-bag, t-shirt, key chain, tasa, punong kahoy na inukit, pagkain at iba pang mga bagay na magpapaalala sa bayan ng Gloria.
Ang lahat anya nito ay mabibili sa One Town One Product Marketing at Pasalubong Center na matatagpuan sa pamilihang bayan sa barangay Maligaya. (DN/PIA-OrMin)