Iisa lang ang kanilang napatunayan sa kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan - 'yun ay sa lahat ng pagkakataon ‘hindi pa huli ang lahat'.
Sa kanilang pagsuko, napatunayan nila na taliwas sa propaganda ng kanilang mga dating lider sa kilusan, hindi ka sasaktan ng militar kung susuko ka dahil ang tunay na motibo ng kasundaluhan ay tulungan at gabayan ang mga dating rebelde sa kanilang muling pamumuhay nang normal - malayo sa madilim at walang direksiyong pamumuhay sa kabundukan.
Simula nang nailunsad ang ‘Whole-of-Nation-Approach’ sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng Exécutive Order No. 70, marami na rin ang mga miyembro ng NPA ang boluntaryong sumuko sa hanay ng kasundaluhan sa pagnanais na makapagbagong-buhay at muling makapamuhay nang normal kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Hindi lamang kanilang sarili ang bitbit ng bawat dating rebelde sa kanyang pagsuko kundi dala-dala rin nila ang bibig na kung dati ay tikom, ngayon ay handa nang magbahagi ng mga impormasyon ukol sa kanilang dating kilusan. Kamay na kung dati ay gapos ay handa nang makipag-hawak sa kapulisan at kasundaluhan túngo sa inaasam na kapayapaan. At paa na kung dati ay hindi magkamayaw sa kakatago ay handa na muling maglakad kasama ang pwersa ng 5ID upang tunguhin ang mga kagamitan at pagmamayari na tinatago ng teroristang grupo.
Sa katunayan, nito lamang 2022, sunod-sunod ang pagkadiskubre ng mga kinaroroonan ng mga pinagtatataguan ng mga NPA ng kanilang mga armas, mga propaganda materials at suplay ng pagkain sa tulong na rin ng impormasyon ng mga dating rebelde at residente na nakatira sa mga lugar na ito.
Wala pang isang linggo mula nang sumuko si Alyas Frank, hindi na ito nagdalawang-isip na makipagtulungan sa kasundaluhan sa tulong ng tropa ng 17th Infantry Battalion. Base sa mga impormasyong ibinahagi nito, matagumpay na nahukay ang dalawang M16A1 na baril sa Sitio Daligan, San Juan sa Rizal, Cagayan nitong Enero 8.
Si Alyas Frank din ang dahilan kung bakit nadiskubre ang isang barrel ng M16A1 5.55mm na baril, isang barrel ng M14 7.62mm na baril, dalawang kalibre ng 38mm revolver at dalawang karton na naglalaman ng propaganda materials sa Sitio Angkiram, Sicalao, Lasam nitong Enero 11.
"Mas mabuti na pong isuko ko sa kasundaluhan ang mga baril na yan kaysa sa magamit pa ng mga teroristang NPA para manakot at kumitil ng buhay,” salaysay ni Alyas Frank.
Sa San Mariano, Isabela naman ay nahukay ng 98th Infantry Battalion ang dalawang M16A1 na baril, isang improvised na garand na baril at isang clip ng ammunition. Ang mga residente ng Sitio Nursery, Barangay Disulap ang ang-tip umano ng nasabing impormasyon sa pwersa ng 95IB.
Maliban sa mga mataas na kalibre ng baril, hindi na rin pinatagal ng mga dating rebelde na ipagbigay-alam kung saan nakatago ang mga suplay ng pagkain ng NPA.
Nitong Enero 4, isang container plastic na naglalaman ng 40 kilong bigas ang nahukay sa Sitio Daligan, Barangay San Juan. Ito rin ang lugar kung saan nadiskubre ang ilan matataas na baril ng grupo.
Kahapon din, Enero 14, ay isang sako ng bigas, mga de lata at instant noodles din ang nadiskubre sa Sitio Nagattatan, Barangay Bural sa Rizal, Cagayan.
"Lahat po iyan ay gamit ng teroristang NPA. Yung mga materyales na pang propaganda ay ibibigay sa mga underground na sumusuporta sa mga NPA para maka-pagrecruit ng mga karagdagang kasamahan dahil sa lumiliit na ang pwersa ng teroristang kilusan," ani ni Alyas Frank.
Ang pagkadiskubre ng mga kinaroroonan ng kanilang suplay ng pagkain ang pagpapatunay na pwersahan itong kinukuha ng mga miyembro ng teroristang grupo sa mga residente sa komunidad partikular ang mga mababang-uri ayon na rin sa mga testimonya ng mga dating rebelde. Tinatakot umano ng mga teroristang NPA ang mga residente upang magbigay ng pagkain.
Itinuturing naman ni 5ID Commander MGen Laurence Mina na malaking bagay tungo sa pagsugpo ng insurhenisya ang pagkadiskubre ng mga armas at pagkaing ito ng mga NPA lalo pa’t ang mga impormasyong ito ay mismong galing sa mga dating aktibo sa kilusan at mga residenteng sawa na sa panlilinlang ng mga NPA.
Aniya, dahil sa sunod-sunod na matagumpay na mga aktibidad na ito katuwang ang PNP, humihina na ang lakas ng NPA dito sa rehiyon.
“Kung mayroong pagtutulungan, mayroon tayong patutunguhan. Napakaganda ng ipinapakita ninyong pagkakaisa upang tuluyan ng masugpo ang insurhensiya. Ipagpatuloy natin ang ating pakikipag-ugnayan hanggang sa makamtan natin ang tunay na mapayapa at maunlad na komunidad,” sinabi pa ng komander.
Sa mga susunod na araw, linggo o buwan, asahan na mas iigting pa ang kampanya ng pamahalaan laban sa insurhensiya at magiging posible lamang ito kung pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, ng komunidad at iba pang mga stakeholder ang mangunguna.
Sa huli, hangad natin ang tunay na kapayapaan kung saan malaya ang lahat mula sa palitan ng putok ng baril at karahasang dulot ng mga teroristang grupo. Hangad natin na wala nang isang magsasakang mag-aabot ng pagkain dahil takot sa mga NPA na nangingikil, wala nang isang kontraktor na takot ipatupad ang isang proyektong imprasktura dahil sinunog ang kanilang kagamitan, wala nang mga batang lumalaki habang nawawalay sa kanilang mga magulang at wala nang mga kabataang nalinlang na armas ang hawak imbes na diploma.
Ang laban sa insurhensiya ay hindi lamang para sa kasundaluhan, kapulisan at iba pang ahensiya ng pamahalaan. Ang laban na wakasan ang insurhensiya ay laban ng bawat isang Pilipino na ang nangingibabaw sa kanyang puso ay pagmamahal sa ating bansa, sa kanyang pamilya at higit sa lahat, sa kanyang sarili.
At kung tunay na pagmamahal ang maghahari sa puso na bawat isa partikular sa mga natitira pang miyembro ng NPA, hindi nakakapanghinayang tapusin ang isang masalimuot na kabanata ng kanilang buhay upang magsimula muli sa huli. ( Sinulat ni Mark Djeron Tumabao/PIA Cagayan)