Karamihan sa mga Pilipino ang sumasakay o tumatangkilik sa pampublikong sasakyan sa pagpunta sa kani-kanilang mga trabaho o mga personal na lakad.
Ngunit, gaano man kahalaga ang inyong pakay sa inyong patutunguhan ay dapat ganoon din kahalaga na ang gagamiting paraan ng transportasyon ay ligtas at may kaukulang dokumento.
Paano nga ba madaling matutukoy kung ang sasakyan na maghahatid sa iyong patutunguhan ay isang lehitimo at hindi “colorum” o walang prangkisa?
Ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), lehgitimo o may prangkisa ang sasakyan kung ito ay may tamang “body markings” na katunayan na ito ay isang public utility vehicle (PUV), may QR code na naka-display sa windshield, may fare matrix na naka-display sa loob, nakapila sa isang terminal, at nagpapatupad ng tamang health protocols at tamang passenger capacity.
Samantala, ang mga colorum naman ay ang mga sasakyan na nagsasakay ng pasahero o cargo, kung saan ginagamit ito ng mga iligal na operator upang pagkakitaan ng walang certificate of public convenience o prangkisa, provincial authority o special permit mula sa LTFRB.
Halimbawa ng isang colorum na sasakyan ay ang mga sumusunod:
1. Isang pribadong sasakyan na tumatakbo bilang PUV ngunit walang kaukulang awtoridad mula sa LTFRB;
2. PUV na tumatakbo sa labas ng aprubadong ruta o lugar na walang pahintulot o tinatawag na out-of-line-jeep;
3. Kung ang isang PUV ay tumatakbo ng iba sa denominasyon nito (halimbawa mga inaprubahan bilang ‘school service’ ngunit bumibyahe bilang UV express, o mga sasakyang inaprubahan bilang transport bus ng turista ngunit tumatakbo bilang bus ng lungsod o probinsya);
4. PUV na bumabyahe ngunit suspendido o kanselado ang Certificate of Public Convenience (CPC); at
5. PUV na bumabyahe na may expired na prangkisa at walang na-file na application for extension of validity.
Paalala naman ng pamunuan ng LTFRB sa publiko, na ang colorum na sasakyan ay hindi ligtas dahil wala itong GPS, dash cam, speed limiter, Wi-Fi at CCTV, na isa sa mga ‘mandatory safety and security requirement’ ng pampublikong sasakyan bago makakuha ng prangkisa ang isang operator.
Dagdag pa rito, walang passenger insurance ang colorum na sasakyan, kung kaya’t walang makukuhang agarang tulong pinansyal mula sa operator o anumang insurance company ang pasahero kung sakali mang maaksidente ang kanilang sinasakyan.
Ayon sa LTFRB, papatawan ng kaukulang parusa ang mga driver at operators na lalabag sa mga alituntunin ng ahensya at ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), kabilang na ang pagsuspinde sa Certificate of Public Convenience (CPC) o Provisional Authority (P.A.).
Hinihikayat din ng LTFRB ang publiko na i-report ang mga iligal na aktibidad tulad ng mga nabanggit o iba pang kaugnay na paglabag sa sektor ng transportasyon upang magkaroon ng ligtas at maayos na pagbiyahe ang mga pasahero. (JCR/AMB/EMSA/PIA Pangasinan)