Ang suplay ng tubig ang isa mga problema ng mga lugar na tinatawag na GIDA o Geographically Isolated and Disadvantaged Areas.
Sa Mimaropa, may mga lugar na kailangan pang lumakad ng kilo-kilometro o kaya tumawid pa ng dagat makabili lang ng maiinum na tubig.
Sa mga ganitong lugar, nakakadagdag bigat sa budget ng pamilya ang pagkuha pa lang ng tubig.
Kaya naman nagpatupad ng 11 proyektong patubig ang Department of Science and Technology (DOST), para matiyak ang suplay, maibaba ang gastusin at masigurong ligtas ang kanilang tubig.
Ayon kay Assistant Regional Director Jerry Mercado ng DOST Mimaropa, ilan sa mga proyektong ito ay tumatakbo na sa iba’t ibang panig ng rehiyon.
Tatlo aniya ang nasa procurement pa lang at may limang iba pa ang ipinapanukala.
Ang mga teknolohiyang binabanggit ay mga solar-powered water pumping system na may treatment facility, water pumping systems, water purification systems, rainwater collector na may filtration systems, water filtration systems, at water desalination technology.
Sa mga komunidad na may problema sa kanilang suplay ng tubig, pinapayuhan ni ARD Mercado na makipag-ugnayan sa kanilang provincial science and technology center. (LP)
Malkikita ang mga tangke ng solar powered water pumping station sa Banton, Romblon. Sa itaas na larawan, makikita ang looban ng solar powered water purification system sa Dumaran, Palawan. (Mga larawan ng DOST Palawan)