Tuwing buwan ng Marso ay ating ipinagdiriwang ang buwan ng mga kababaihan, at isa sa pinakamahalang bagay na dapat bigyan ng pansin ay ang mapangalagaan ang kalusugan ng mga kababaihan..
Naging panauhin sa Kapihan sa PIA na ginanap sa SM Puerto Princesa City noong Marso 30 si Aika Pagusara, Youth Advocacy Manager ng Ugat ng Kalusugan, ang nag-iisang Non-Government Organization (NGO) sa Lalawigan ng Palawan. Siya ay nakatuon sa reproductive at sexual health ng mga kababaihan at mga kabataan. Aniya, mahalaga na magpakonsulta agad ang isang babae kapag mayroong nararamdaman. Dagdag pa nito, dapat makinig ang babae sa kaniyang katawan. Mariin rin niyang iginiit na hindi maganda sa isang babae ang palaging nabubuntis.
“Karamihan ang nahaharap po namin ay yung mga kababaihan na hindi pabor ang kanilang kinakasama o asawa na sila po ay gumamit ng kontraseptibo, kaya palagi naming tinitiyak na syempre dapat ay malakas ang babae kasi palagi naming sinasabi na sila ang nagbubuntis, at syempre yung katawan nila una sa lahat kalusugan ang isipin natin, ng kababaihan kasi hindi maganda yung taon-taon ay nagbubuntis, dahil masama yun sa katawan ng kakabaihan,” saad pa niya.
Palagi rin niya nilang hinihikayat ang mga kababaihan na kausapin ang kanilang mga partner tungkol dito dahil kung kalusugan ang pinaguusapan, hindi na kailangang pag-isipan pa kundi ito ay dapat unahin.
Kailangang maghintay ng dalawang taon o higit pa sa bawat pagbubuntis o ang tinawatag na child spacing para mabigyan ng pagkakataong lumakas ang katawan ng isang babae at magkaroon ng sapat na panahong matapos ng kaniyang anak ang breastfeeding period nito.
Sa mahabang panahon aniya, ang mga kababaihan ay trinato na 'second-class citizen' kaya marami ang programang nakatuon sa pagpapalakas ng mga kababaihan at pangangalaga sa kanilang kalusugan.
Napansin aniya nila na tumaas ang kaso ng teenage pregnancy o pagbubuntis ng mga babae sa murang edad sa Palawan bago sila nagsagawa ng mga adbokasiya hinggil dito, bagamat bumaba na ito noong taong 2020. Maliban dito ay tumaas rin aniya ang kaso ng HIV-AIDS, at ang nakakaalarma ay marami sa mga ito ay mga kabataan.
Sa huli, pinayuhan ni Pagusara ang mga kababaihan na huwag mahihiyang magtanong at huwag isawalang bahala ang nararamdaman lalo na sa aspeto ng reproductive at sexual health.(MCE/PIA MIMAROPA, PALAWAN)