Masasabi nating tagumpay ang pamahalaan sa pagwakas sa insurhensiya sa bansa sa tulong ng Executive Order No. 70 o ang programang End Local Communist Armed Conflict of ELCAC ni Pangulong Duterte.
Isa ang bayan ng Rizal sa lalawigan ng Cagayan na dati ay pinamumugaran ng mga New Peoples Army kung saan ordinaryong musika na ang putukan, habulan o kaguluhan. Kung dati ay takot ang mga taong lumabas, ngayon ay malaya na sila sa takot pangamba at nakakapamuhay na rin ng maayos sapagkat nagwakas na ang pananakot ng mga kalaban at higit sa lahat, maayos narin ang mga kalsada at may ilaw na rin sa mga daan. Ito ay dahil tiniyak ng gobyerno na mapapasementuhan ang mga daan sa tulong ng Support to Barangay Development Project kabilang na rin ang pagpapatayo ng mga paaralan at pagamutan.
Ngayon, akmang akma na sa kanila ang “Peace be with you” na kadalasan ay iginagawad lang ng pari at mamamayan pagkatapos ng misa sa simbahan.
Habang isinasagawa ang mga infrastructure projects sa bayang ito ay kasabay din ng pagbuhos ng mga pagsasanay at pagbibigay ng mga livelihood projects para sa mga mamamayan upang lubos nilang matikman ang tinatawag na kaginhawaan.
Isa sa mga ahensiyang tumutulong sa mga mamamayan ay ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources of BFAR kung saan katatapos lamang ng mahigit 15 mangingisda o fishpond owners na residente ng Brgy. Duyun, Batu at Iluru Norte sa nasabing bayan ang sumailalam sa dalawang araw na seminar na isinagawa ng ahnesiya kamakailan.
Bahagi ito ng training assistance ng Cagayan Provincial Fishery Office ng BFAR upang matiyak na magbubunga ang mga pingapapaguran ng mga mangingisda.
Ayon kay Provincial Fishery Officer Jennifer Tattao, mahalagang may sapat na kaalaman ang mga ito upang hindi masayang ang mga resources na ibinuhos ng pamahalaan at upang matiyak, na mapapakinabangan nila ang mga ito at maramdaman ang malasakit ng gobyerno sa kanila.
“Hindi lang mahalagang bigyan natin sila ng pagkain para sa isa o dalawang araw o buwan, mahalagang turuan natin sila kung paano masustain ang mga proyekto upang maari pa nila itong ipamana sa mga anak at apo,” ani ni Tattao.
Nagpahayag naman ng buong pagsuporta si Vice Mayor Joel Ruma kung saan patuloy na makakaasa ang kanyan gmga kababayan sa suportang magmumula sa kanilang tanggapan.
Kung dati ay mataas ang presyo ng isdang tilapia sa kanilang lugar, ayon kay Ruma ay bumaba na umano ang presyo matapos dumami ang produksiyon dito dahil sa kaalaman sa pag-aalaga ng isda sa palaisdaan.
Maging ang mga kawani ng agriculture at fishery office ay nakiisa rin sa mga seminar upang sa mga darating na araw ay sila rin ang gagabay sa kanilang mga kababayan.
Ayon kay Mang Carlos, isa sa mga dumalo ay napakasaya niyang matutunan ang mga pamamaraan sa pagaalaga ng tilapia. Aniya, kung dati ay nakukuntento sila sa maliliit na isdang nabibingwit, ngayon naman ay may sapat na silang makakain at maibebenta pa ito sa pamilihan na dagdag kita para sa kanilang pangangailangan.
Ilan lamang ito sa mga proyektong kaloob ng pamahalaan sa mga dating insurgency–afflicted areas na ngayon ay insurgency-cleared na.
Nagpahayag nang pagsaludo si Tattao sa kanilang kagustuhang mabago ang kanilang buhay kung kaya’t sinabi niyang patuloy na makakaasa ang mga ito sa libreng tulong teknikal ng BFAR.
Ipinakilala rin niya ang mga programang handog ng BFAR tulad ng pamimigay ng libreng fingerlings, gamit pangisda at maging bangkang pangisda na kalaunan ay makakamit din nila.
Ayon pa sa kanya, isa itong magandang simula at kung magpapatuloy silang maging masigasig ay hindi malayong mapag-aaral nila ang kanilang mga anak at makakamit ang hangad na pangarap.
Ngayon, hindi imposible ang “Peace be with you” at “Fish be with you”. (OTB/GVB/PIA Cagayan)