No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Sakit na dengue: Alamin at sugpuin

Alam niyo ba na ang dengue na isang viral disease na dala ng lamok ay nakamamatay?
 
At alam nyo rin ba na walang gamot sa sakit na dengue?
 
Ngayong buwan ng Hunyo, ipinagdiriwang natin ang National Dengue Awareness Month sa bisa ng Proclamation No. 1204 na pinirmahan ni dating Pangulo Fidel V. Ramos noong Abril 21, 1998.
 
Ito ang perpektong pagkakataon para sa ating lahat na itaas ang ating kamalayan at kaalaman ukol sa sakit na dengue upang maiwasan at makontrol ang sakit na ito.
 
Ayon sa Department of Health (DOH), kapag hindi agad naagapan, ang sakit na ito ay nakamamatay at wala pang eksaktong lunas para rito kaya mahalagang malaman ang mga sintomas nito.
 
Kung makagat ng dengue-infected na lamok, ang taong nakagat ay maaaring makaranas ng mga sumusunod na sintomas:
 
·        Biglaang pagkakaroon ng mataas na lagnat na maaaring magtagal ng dalawa hanggang pitong araw.
·        Sakit sa muscle, kasukasuan, at sa likod ng mga mata
·        Lubhang panghihina at pagpapantal
·        Pagdurugo ng ilong sa paghupa ng lagnat
·        Pananakit ng tiyan at hirap sa paghinga
·        Kulay kapeng suka at pagtatae ng kulay itim
 
Ang isang tao ay maaaring tamaan ng dengue ng hindi lamang isang beses.
 
Ito ay dahil ang dengue virus ay may apat na serotypes.
 
Ito ang mga DENV1, DENV2, DENV3 at DENV4.
 
Ayon sa DOH, ang unang impeksyon sa isa sa apat na serotype ay karaniwang hindi malala o walang sintomas, habang ang pangalawang impeksyon sa isa sa iba pang mga serotype ay maaaring magdulot ng matinding dengue.
 
Paano nga ba nakukuha ang sakit na dengue?
 
Ayon kay Dr. Vernon Masakayan, physician sa Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng Pangasinan Provincial Health Office (PHO), ang dengue ay nakukuha sa pamamagitan ng kagat ng dengue-infected na Aedes aegypti at Aedes albopictus na lamok.
 
Aniya, babaeng lamok lamang ang nangangagat sa tao dahil kailangan nito ang protina at iron na nasa dugo ng tao para makapag-itlog.
 
Karaniwang makikita sa loob at labas ng bahay at nangangagat ang lamok na ito sa pagitan ng dalawang oras pagkatapos ng pagsikat ng araw at dalawang oras bago ang paglubog ng araw.
 
Ayon kay Masakayan, bagamat ang sakit na dengue ay itinuturing nang “year-round disease,” mas tumataas ang kaso nito sa panahon ng tag-ulan kung saan may mga espasyo o lugar at lalagyan na maaaring maipunan ng tubig at pangitlugan ng lamok.
 
Ang babaeng lamok na nangangagat ay nabubuhay hanggang dalawang buwan at pwedeng mangitlog ng hanggang 100 itlog kada tatlong araw sa loob ng dalawang buwan.
 
Kung susumahin, ang kada isang babaeng lamok ay maaaring makapagparami ng nasa mahigit kumulang 2,000 itlog kada dalawang buwan.
 
Ang mga lamok na ito ay maaaring mangitlog sa anumang espasyo o lalagyan na naipunan ng tubig na tulad ng takip ng bote, dish dryer, gutter, basurahan, lumang goma ng gulong, atbp.
 
Kaya naman ang DOH at mga lokal na pamahalaan ay patuloy na isinusulong ang kampanyang “4S” para maiwasan natin ang pagdami ng lamok at kaso ng tinatamaan nito.
 
Ang 4S ay ang:
 
1.      Suyurin at sirain ang mga pinamumugaran at maaaring pamugaran ng mga lamok.
2.      Sarili ay protektahan laban sa lamok.
3.      Sumangguni agad sa doktor o pagamutan kapag may sintomas ng dengue.
4.      Sumuporta sa fogging sa inyong lugar kung may banta ng outbreak.
 
Kaugnay nito, nananawagan sa bawat mamamayan ang DOH na maging “prime movers”sa pagkontrol sa populasyon ng lamok at pag-iwas sa anumang posibleng pagkamatay ng dahil sa dengue sa loob ng komunidad.
 
Ngayong National Dengue Awareness Month at sa buong taon, pinapaalalahanan tayo na makiisa sa pagpapatupad ng 4S at pagpapanatili ng kalinisan sa ating kapaligiran.
 
Pangalagaan natin ang ating kalusugan at kapaligiran at sama-sama nating sugpuin ang mga lamok na nagdadala ng sakit na dengue para sa malusog at ligtas na Pilipinas. (JCR/AMB/EMSA/PIA Pangasinan)
 
 

About the Author

Elsha Marie Arguel

Information Officer II

Region 1

Information Officer II assigned at PIA Pangasinan located in Dagupan City

Feedback / Comment

Get in touch