No. of :

No. of Shares:

Currently viewed by: Marcus Rosit

Balik Eskwela 2022: Lakad tungo sa new normal na edukasyon

Handa na ba ang lahat para sa Balik-Eskwela 2022?
 
Sa isang paaralan sa Ilocos Norte, kakaibang paghahanda ang kanilang ginawa upang makalikom ng pera na gagamitin sa kanilang Brigada Eskwela upang handa sila sa pagbabalik ng mga estudyante sa nalalapit na pasukan sa Agusto 22.
 
Higit sa isang-libo ang lumahok sa “Fun Walk for a Cause” na naganap sa Bingao National High School, San Nicolas, Ilocos Norte.
 
Nagkaisa ang mga mag-aaral, mga guro, at pati na rin mga kawani mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine National Police (PNP), Rural Health Unit (RHU), alumni, at mga opisyal ng barangay sa nasabing lugar.
 
Ang fun walk, na may temang “Tugon sa Hamon ng Ligtas na Balik-aral,” ay isa sa mga naisip na paraan ng Bingao National High School upang madagdagan ang kanilang budget sa paghahanda sa ligtas na pagbabalik ng mga estudyante sa pasukan.

Ilang mag-aaral sa Bingao National High School sa San Nicolas, Ilocos Norte nakilahok sa Fun Walk na naglalayong makalikom ng pera na gagamitin sa paghahanda sa Brigada Eskwela ng kanilang paaralan. (EJFG, PIA Ilocos Norte)
Game na game na sumali sa fun walk ang mga estudyante at mga guro ng Bingao National High School sa Fun walk for a Cause na may temang "“Tugon sa Hamon ng Ligtas na Balik-aral."
Pagkatapos ng fun walk, nagsama-sama ang mga sumali sa isang programa sa Bingao National High School. (EJFG, PIA Ilcoos Norte)

Ayon kay Erman Mamuad, chairperson sa komite ng naturang fun walk, ang nalikom na registration fee ay gagamitin sa Brigada Eskwela bilang pagsuporta sa pagpapaganda ng paaralan at para mailatag ang ligtas na balik eskwela para sa mga estudyante.
 
"Kami ay naka-pokus sa kaligtasan hindi lamang sa ating mga estudyante, pero pati na rin sa ating mga guro at sa ating mga stakeholders" ani Mamuad.
 
Nagagalak namang sinabi ni Melvelyn Arellano, isa sa mga coordinator ng fun walk na hindi nila lubos na inaasahan ang dami ng lumahok, gayunpaman ay isang masayang surpresa raw ito.
 
“We are establishing a greater and stronger bond” aniya.
 
Naging matagumpay at maayos ang programa at inaasaahan ng paaralan ang maayos na lagay ng mga estudyante sa darating na pasukan. (JCR/AMB/EJFG/JDMF, PIA Ilocos Norte)
 

About the Author

Emma Joyce Guillermo

Information Officer 1

Region 1

Feedback / Comment

Get in touch