QUEZON CITY, (PIA) — Nagsama-sama ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan at mga pribadong organisasyon para magtulungan at bigyang-solusyon ang iba’t ibang uri ng child labor sa Pilipinas sa ginaganap na tatlong araw na summit sa Lungsod Quezon.
Ang 2nd National Summit on Child Labor na pinangunahan ng World Vision's Project Against Child Exploitation (ACE) sa pakikipagtulungan sa Department of Labor and Employment ay mahalagang kaganapan upang sama samang maisulong ng mga tagapagtaguyod ang karapatang pambata.
Ang okasyon na naglalayong wakasan ang child labor sa Pilipinas, ay nagbibigay diin sa kahalagahan ng patuloy na pagtutulungan ng gobyerno at mga pribadong organisasyon.
Ayon kay International Labour Organization (ILO) Senior Programme Officer Ms. Ma. Concepcion Sardana, malaking bilang ng child labor sa mundo ay nasa sektor ng agrikultura, may 70 porsyento o humigit kumulang 112 milyong kabataan may edad 5 hanggang 11 ang kabilang dito.
Maituturing na child labor kung ang trabaho ay nagkakait sa kabataan ang kanilang pagkabata, ng kanilang potensyal at kanilang dignidad at kung ito ay nakapagdudulot ng pinsalang mental at pisikal habang sila ay lumalaki.
Ayon naman kay Child Labour Specialist Francesca Pastorelli ng Food and Agriculture Organization (FA), may 48.1 million kabataan sa buong mundo ang nabibilang sa child labor sa pagsasaka kung saan may mataas na insidente ng panganib (hazard); ilan dito ay ang exposure sa mga pesticide o masasamang kemikal at matagal na pagbabad sa ilalim ng araw nang walang tubig.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), noong 2020, nasa 597,000 kabataan sa Pilipinas edad 5-17 ang gumagawa ng mga mapapanganib na trabaho (hazardous work) na tinukoy sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) Department Order No. 149 kabilang ang pagmimina, construction, transportation and storage, fishing, at iba pa. Mas mababa ito sa bilang noong 2019 na may humigit kumulang 640,000 child laborers na naitala.
Ayon naman kay Department of Labor and Employment - National Capital Region (DOLE-NCR) Senior Labor and Employment Officer Ryan Roberto E. Delos Reyes, Child Labor Regional Focal Person, sa Metro Manila, ilan sa pinakalaganap na uri ng child labor sa Pilipinas ay may kaugnayan sa services sector (informal economy) gaya ng pagbabasura, parking attendants, naghuhugas ng mga kotse sa kalye, at iba pa na lubhang mapanganib para sa kabataan.
Ayon sa mga eksperto, mahalaga ang tungkulin ng mga lokal na pamahalaan upang masugpo ang child labor sa kani-kanilang lugar gaya ng pagkakaroon ng mga programang magbibigay ng pangkabuhayan sa mga pamilya, at matulungang makapag-aral ng maayos ang mga kabataan at hindi pagod ang katawan dahil sa paghahanap-buhay.
Narito naman ang impormasyon mula sa Project Against Child Exploitation tungkol sa Pagkakaiba ng Child Work sa Child Labor:
Child Work (Pwede)
-Magaang trabaho na angkop sa bata
-Trabahong hindi nakakahadlang sa karapatan ng bata na makapag-aral at manatiling malusog
-Sandaliang oras ng pagtatrabaho
-Legal (ayon sa edad at sa kundisyon sa batas)
Child Labor (Bawal)
-Delikado o 'di kaya'y nakakapahamak sa bata
-Nakakahadlang sa pag-aaral at nakakasama sa kalusugan ng bata
-Mahabang oras at tuloy-tuloy na trabaho
-Ilegal (labag sa edad at sa mga pinagbabawal na trabaho ayon sa batas)