Malaki ang naging pasasalamat ng Samahan ng mga Magsasaka at Mangingisda ng Barangay Misong (SMMBM) sa pangunguna ni G. Dominador Conde sa mga naging tulong ng BFAR sa kanilang samahan; partikular ang HDPE Fish Cage na isa sa kanilang pinagkukunan ng kabuhayan.
Hindi maipagkakaila na ang rehiyon ng MIMAROPA ay isa sa mga pinakahitik sa likas na yaman sa bansa; bagaman nahihiwalay ang rehiyon sa mainland, kakikitaan pa rin ito ng malaking potensyal pagdating sa pag-aambag sa ekonomiya sa bansa. Bukod sa turismo na isa sa pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ng karamihan sa mga mamamayan dito, kilala rin ang rehiyon sa pagpoprodyus ng mga produktong agrikultural.
Sa personal na pakikipanayam ng mga kawani ng Philippine Information Agency (PIA) – MIMAROPA sa mga kawani ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR)-MIMAROPA; napag-alaman ng grupo na mayroon isang samahan sa bayan ng Pola, Oriental Mindoro na napagkalooban ng proyekto ng BFAR. Base na rin sa pahayag ng naturang ahensiya, naging matagumpay ang implementasyon ng proyektong ito ng Samahan ng mga Magsasaka at Mangingisda ng Barangay Misong o SMMBM.
Mula Lungsod ng Calapan, kailangang bumiyahe ng isa’t kalahating oras upang marating ang bayan ng Pola. Matarik, kurbada, at malubak ang naging daan papunta sa Barangay Misong, Pola, sa kabila ng lahat ng ito, bumungad ang asul at payapang karagatan na humahalina sa sino mang makakakita dito.
Makikita na payak ang pamumuhay ng mga residente na nakatira dito; sumasalamin sa kabuhayang kinagisnan na hinubog ng mga kamay na tila sanay na sa pagpapagal.
Mula sa pakikipagpulong sa mga residente dito, isang malaking ngiti ang namutawi sa isang lalake na naglalakad patungo sa kinaroroonan ng grupo. Siya si Dominador Conde, Lider ng SMMBM sa naturang barangay. Mababakas sa kutis nito na simula pa lamang pagkabata ay alam na nito ang salitang “trabaho”. Aniya, bata pa lamang siya ng matuto mangisda, bilang pangingisda ang isa sa pinagkakakitaan sa kanilang lugar.
Aniya, 2016 ng mabuo ang kanilang samahan; hindi naman maitatanggi na malinaw ang pakay kung bakit binuo ang naturang samahan; ito ay upang mapaunlad at maiangat ang buhay ng mga miyembro ng kanilang samahan sa pamamagitan ng pangingisda.
Dahil dito, nag-isip si Conde kung paano matutulungan ang kanilang samahan; kung kaya nga’t lumapit ito sa BFAR upang humingi ng tulong. Inilahad niya kung paano binigyan ng mga pagsasanay ang kanilang samahan noong 2018, kabilang na rito ang pag gagawa ng bangka dahil ang kanilang kakayahan ay talagang pandagat. Mula dito, nakagawa ng maraming bangka ang grupo na siya namang ginagamit nila upang mangawil. Dito rin napanday ang naging ugnayan at samahan ng grupo sa BFAR, dahil kinakitaan ng potensyal ang samahan, minarapat ng ahensiya na bigyan ng panibagong proyekto noong 2021. Ito ay ang pagkakaloob ng High-Density Polyethylene (HDPE) Circular Cage na aniya ay mabisang panlaban sa bagyo kung balak ng isang samahan na mag-alaga ng isda sa gitna ng karagatan.
Nagbalik-tanaw naman si Conde sa pagsailalim nito sa isang pagsasanay na pinangunahan din ng BFAR noong taong 2014. Ito ay ang pag-aalaga ng milkfish o bangus; nagkataon naman na kaalinsabay ng pagkakaloob ng HDPE Fish cage, pinagkalooban rin ang samahan ng 29,000 na bangus fingerlings bilang panimula sa kanilang sisimulang negosyo.
Bagamat sinusubok at kung minsan pa nga ay pinanghihinaan ng loob, hindi pa rin nagpagapi ang samahan; sa katunayan tone-toneladang bangus na ang napoprodyus ng samahan pagdating ng panahon ng anihan. Makikita naman sa mga kinang ng mata ng lider, na nais pa nito paglingkuran ang kaniyang mga kasamahan; puhunan ay lakas ng loob at paniniwala na aangat ang kanilang samahan, pinaplano ni Conde at ng SMMBM na magkaroon ng pagsasanay sa patungkol sa fish processing ang kanilang samahan, sa pakikipagtulungan na rin ng BFAR. Anila, magiging malaking katulungan ito sa kanila, dahil sa pamamagitan nito, magkakaroon sila ng kakayahan na makapagprodyus ng canned goods mula sa inaalagaan ng mga ito na bangus; isinisiguro din nila na ang magiging produkto nila ay talagang sariwa at masarap na maaari anilang ipagmalaki sa buong bansa.
Malayo na ang narating ng SMMBM, ngunit hindi ibig sabihin nito ay kuntento na ang mga ito. Malawak at matayog ang pangarap ng bawat miyembro ng SMMBM, kung kaya’t hindi imposible na makita ng mga ito ang KAUNLARAN SA GITNA NG KARAGATAN. (JJGS/PIA MIMAROPA)